UPANG maiwasan ang kalituhan sa libreng sakay ng mga estudyante sa Light Rail Transit Authority (LRTA) simula Agosto 22, inilabas na ang panuntunan para rito.
Magsisimula ang libreng sakay sa August 22 at tatagal hanggang sa November 5, 2022.
Ayon kay LRTA Administrator Atty. Hernando Cabrera, tanging mga estudyante sa elementarya hanggang kolehiyo ang sakop ng libreng sakay sa LRT.
Hindi kasama sa libreng sakay ang mga kumukuha ng master’s degree at iba pang graduate students na nag-aaral.
Ang kasama ng estudyante na magulang, kasambahay o sinomang maghahatid dito sa paaralan ay kailangan magbayad ng pamasahe.
Sa mga estudyanteng gustong ma-avail ang libreng sakay, pumunta lamang sa passenger assistant booth at ipakita ang ID o enrollment document para mabigyan ng ticket.
Hindi valid ang picture ng ID na nasa cellphone.
Inaasahang aabot sa 25,000 hanggang 30,000 mag-aaral ang madaragdag sa mga pasahero ng LRT kapag nagsimula na ang pasukan.
CAVITEX C5 Link Flyover Extension bukas na
Samantala, binuksan na kahapon ang CAVITEX C5 Link Flyover Extension (Segment 3A2: Merville to E. Rodriguez) na kokonekta sa 2.2-kilometer flyover, ayon sa Toll Regulatory Board (TRB).
Ayon kay Cavitex Infrastructure Corporation (CIC) CIC President at General Manager, Raul L. Ignacio, ang subsidiary of Metro Pacific Tollways Corp., alas-6:00 Linggo ng umaga nang buksan ang 1.6-kilometer flyover extension.
Dahil dito, inaasahang mas magiging maginhawa ang paglalakbay ng mga motorista papunta at pabalik ng Taguig, Pasay at Parañaque.
Kasabay nito, bubuksan din sa publiko ang service tunnel road para maisaayos ang daloy ng mga sasakyan papunta sa Merville, Pasay at Parañaque mula sa West Service Road.
Samantala, ayon pa sa CIC, 30% na ring tapos ang konstruksyon ng CAVITEX C5 Link Segment 2 o ang CAVITEX papuntang Sucat Interchange.
Ang CAVITEX C5 Link ay may habang 7.7 kilometers na idurugtong sa CAVITEX sa 2023.
Layon nito na gawing mas mabilis ang biyahe mula CAVITEX papuntang Makati, Taguig at Pasay at pabalik na aabutin na lamang ng 30 to 45 minutes.
Habang ang flyover ay inaasahan ding makababawas sa dami ng sasakyan sa mga pangunahing kalsada sa EDSA at MIA Road kung saan 50,000 motorista ang makikinabang kada araw. (RENE CRISOSTOMO/CYRILL QUILO)
