KUSANG-LOOB na sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) si NBN-ZTE deal whistleblower Rodolfo “Jun” Lozada at ang kanyang kapatid kaugnay ng hatol na guilty ng Korte Suprema sa kasong graft.
Nabatid sa NBI, matapos maglabas ang Sandiganbayan ng arrest warrant laban kay Lozada at sa kapatid nitong si Jose Orlando, ay sumuko sila noong Huwebes.
Napag-alaman, makaraang pagtibayin ng Supreme Court ang hatol na guilty sa magkapatid na Lozada sa kasong graft, ang dalawa ay makukulong ng mula anim hanggang 10 taon.
Partikular ito sa pag-award ni Lozada sa kanyang kapatid sa ‘leasehold right’ ng nasa 6,599 ektaryang lupain ng gobyerno noong siya pa ang presidente at chief executive officer ng Philippine Forest Corporation (PhilForest) noong 2007.
Una nang sinabi ni Lozada na maaaring ang desisyon laban sa kanya ay posibleng dahil sa ginawa niyang ‘expose’ sa Senado ukol sa kontrata sa broadband ng pamahalaan sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa mga pagdinig sa Senado noong 2007 hanggang 2008, nagbigay ng testimonya si Lozada na ibinulsa ng ilang opisyal ng pamahalaan ang milyon-milyong piso na lagay para maaprubahan ang broadband deal.
Iginiit ni Lozada na hindi siya nagsisisi sa kanyang paglantad at pagtestigo para maisiwalat umano ang katotohanan sa taumbayan. Pinasalamatan rin niya ang lahat ng taong sumuporta at naniwala sa kanya. (RENE CRISOSTOMO)
