NANAWAGAN si Negros Oriental 3rd District Rep. Arnie Teves kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., sa Commission on Elections at Supreme Court kaugnay sa nangyaring gulo sa kanilang lalawigan.
Sa kanyang sikat na FB Live na AKSYON, TULONG, SOLUSYON kamakailan, idinaan ni Rep. Teves ang apela sa Pangulo at sa dalawang nabanggit na tanggapan na itama ang mga problemang bumalot sa Negros Oriental kamakailan.
Halata ang pagkadismaya ng mambabatas matapos bawiin ng Comelec ang pagka-panalo ng kapatid niyang si NegOr Gov. Henry Teves at ideklarang panalo ang dating gobernador na si Roel Degamo.
Matatandaan na kasama ang mga abogado kabilang si Atty. Ferdinand Topacio, kinuwestyon ng kampo ni Gov. Teves ang inapura at maling desisyon ayon sa kanila ng Comelec.
Pinuna ng kampo ni Teves na imbes na ang disqualification case laban kay Roel Degamo ay inuna pa ng Comelec na solusyunan ang kasong isinampa ni ex-Gov. Degamo sa isa pang Degamo na tumakbo rin, ngunit nagawang maideklarang nuisance candidate kahit ito ay mayroong halos 50,000 na boto.
Nanawagan si Rep. Teves sa Comelec at sa Supreme Court na maitama ang naging problema, hindi lang para sa kanyang kapatid kundi sa iba pang katulad na isyu. Mali rin aniya na gawing mangmang ang Negrosanon partikular ang 50,000 mamamayan na tila pinalalabas na mga bobo sa pagboto.
Sa desisyon ng Comelec, dinagdag ang boto ng “nuisance candidate” na Degamo sa boto ni ex-Gov. Roel Degamo na naging basehan para lumaki ang kalamangan nito kay Teves noong nakaraan eleksyon. Ito umano ay malinaw na kaso ng “dagdag-bawas boto” na iregularidad tuwing eleksyon.
Sabi ni Teves, dapat baguhin na ang Jurisprudence na idagdag sa isang kandidato ang mga boto ng nuisance.
“Those votes should be considered stray votes if they do indeed belong to the nuisance candidate,” paliwanag pa niya.
Nananawagan din si Rep. Teves sa mga mambabatas na tumulong maging patas at maging maayos at makatarungan ang sistema sa bansa.
“Kung sino kayo na tumutulong sa kalaban namin sa pulitika, ang sa akin lang ako kasi, kakampi ko man o hindi, kamag-anak ko man o hindi. Tama ay tama, mali ay mali… Ganito, again kung sino man kayo na tumutulong na ipa-implement ang mali, mali kayo, no. Tanggalin niyo pa ako sa pwesto kahit barilin niyo pa ako, hindi magiging tama ang ginawa niyong mali,” patutsada nito sa mga indibidwal na tumutulong umano kay Degamo.
“Di talaga dapat idagdag ang boto ng tao sa napili nila na iboto sa isang kandidato. Alam niyo nagtanong-tanong din ako, ginagamit lang yung pangalan ng Malacañang, pero alam ko walang kagagawan si President BBM dito, alam ko malinis si President BBM, hindi siya nakisali dito sa pagtulong sa kalaban ng kapatid ko. I respect you Mr. President and I know hindi ka nakisawsaw sa isyung ito, pero alam kong may iba dyan na gumagamit ng kanilang lakas, gumagamit ng kanilang posisyon para gumawa ng mali. Kahit ano pang sabihin niyo kahit ano pang mangyari, ang mali ay mali,” ratsada ni Rep. Teves sa kanyang FB Live.
“Sana umabot to sa tenga ng ating mabait at magaling na Presidente (Bongbong Marcos), hindi niyo man ako kakampi nung election, dahil bago pa kayo tumakbo nandon na ako kay Manny Pacquiao, eh hindi naman ako pwedeng basta mang-iwan ng tao dahil meron akong isang salita. Uulitin ko Mr. President, sinabi ko doon sa Kongreso at bago pa nun sinabi ko sa inyong pinsan na si Speaker Martin Romualdez, hindi ako makasuporta kay President BBM dahil bago pa siya nagpahayag ng intensyon na tumakbo naka-commit na ako kay Manny Pacquiao at ako bilang isang taong may isang salita hindi ako pwedeng basta na lang mang-iwan at tumalon kahit pa manalo o matalo ang aking na-promisan ng suporta,” dagdag ni Teves.
“But right after you won, Mr. President I spoke in Congress, I called for unity, sabi ko, kahit anong partido man tayo manggaling, kahit anong partido man tayo nung nakaraang election, suportahan natin ang administration ngayon at ang nanalong presidente dahil kung hindi natin yun ginawa, walang mangyayari sa ating lahat at sa bansang Pilipinas, pagtatapos nito.
