GUSTONG MAGING PANGULO NI PACQUIAO, PALPAK NAMAN

NAKATITIYAK akong hindi tayo ipinanganak kahapon.

Kaya, hindi dapat pagdudahan ang plano ni Senador Emmanuel “Manny” Pacquiao na tumakbo sa pagkapangulo sa eleksyong Mayo 2022.

Ang regular na paglabas ng mga patutsada ni Pacquiao kay Pangulong Rodrigo Duterte sa media hinggil sa isyu ng West Philippine Sea (WPS) at ang napakatalamak na korapsyon sa pamahalaan ay mga ebidensyang tatakbo siya sa eleksyon.

Ang paglabas ng pahayag ng sino mang senador, kongresista, o opisyal ng alinmang ahensiya ng pamahalaan ay natural lamang na pangyayari.

Layunin nitong iparating sa publiko ang pananaw nila hinggil sa mga isyu, o kontrobersiya, tulad ng ginagawa ngayon ni Pacquiao bago siya maghain ng certificate of candidacy (COC) sa Oktubre.

Ngunit, hindi natural kay Pacquiao ang paglalabas ng kanyang pahayag sa media, sapagkat hindi niya ito madalas gawin kahit noong kongresista pa siya.

Pokaragat na ‘yan!

Ang higit na nakagugulat na animo’y isang himalang kaloob ng Panginoong Diyos ay batikusin niya si Duterte hinggil sa kapos na posisyon ng pangulo sa WPS at tanggapin ang hamon ng pangulo hinggil sa korapsyon sa pamahalaan.

Sa pagtanggap ng hamon ni Duterte, inginuso ni Pacquiao ang Department of Health (DOH) na pinamumunuan ni Secretary Francisco Duque III na korap na kagawaran.

Pokaragat na ‘yan!

Hindi nagbigay ng detalye, o kahit manipis na impormasyon, hinggil sa pagiging korap ng DOH.

Walang inilabas na ­espesipikong kaso si Pacquiao upang makumbinsi niya ang publiko na totoong korap ang DOH, o totoong sangkot si Duque sa korapsyon.

Napakaraming Filipino ang matagal nang naghihinalang korap ang DOH.

Ilang ulit na inimbestigahan ng Senado ang DOH at ang Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth), ngunit walang lumabas na mga ebidensiyang korap si Duque at mga opisyal sa dalawang ahensiya.

Kahit si Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na Senate Health Committee chairman ay hindi kinompronta si Duque nang imbestigahan sa Senado ang DOH at Philhealth.

Pokaragat na ‘yan!

Wala ring nailabas na kaso si Bong Go laban kay Duque at sa iba pang opisyal ng DOH.

Itanong ninyo kay Senador Go kung bakit ganyan ang ginawa niya.

Maging si Pacquiao ay walang sinabi tungkol sa korapsyon laban sa DOH, sa kabuuan, at kay Duque, sa partikular.

Kung nagtanong si Pacquiao sa Task Force Against Corruption (TFAC) na pinamumunuan ni Justice Secretary Menardo Guevarra hinggil sa DOH ay malalaman ni Pacquiao na walang reklamo laban sa ahensiya, o laban kay Duque mismo.

Pokaragat na ‘yan!

Kaya, ang tanong ko ay: “Bakit hindi pinaghandaan ni Senador Pacquiao ang hamon ni Duterte sa kanya?”

Gustong maging pangulo ni Pacquiao ng Pilipinas, ngunit palpak naman siya!

Pokaragat na ‘yan!

Ipaalala ko lang kay Senador Pacquiao na maraming ahensiya ng pamahalaan ang inaakusahang korap tulad ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Agriculture (DA), Bureau of Customs (BOC), Bureau of Immigration (BI) at napakarami pang iba.

Ang gusto ng mamamayan ay iyong maglalabas ang sinomang politiko ng kongretong mga kaso ng korapsyon kung saan mayroon silang sasabihing mga opisyal at kawani na sangkot sa korapsyon.

Hindi iyong pahayag na walang laman.

Ang ginawa ni Pacquiao ay maaaring ikumpara sa isang payaso na mayroong dala-dalang napakalaking lobo.

Sa unang tingin, makikitang malaki at maganda ang lobo.

Ngunit, walang ibang laman ito, kundi hangin.

Hindi dapat ganyan ang ginagawa ng politikong gustong ­maging pangulo ng Pilipinas.

Hindi magandang palpak ang politikong nag-aambisyong ­maging presidente.

Ang ibig sabihin ng unang suntok ni Pacquiao laban sa ­korapsyon ay sablay.

Maaari ring tingnan ito bilang nangangako si Pacquiao sa ­milyun-milyong Filipino, ngunit walang kahihinatnan tulad ng mga naganap sa nakaraan.

189

Related posts

Leave a Comment