NASAGIP ang magkapatid na mangingisda makaraang matabunan ng lupa habang malakas ang ulan dulot ng Bagyong Fabian at Habagat sa Caloocan City noong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang mga biktimang muntik nang malibing nang buhay na sina Jefferson at Justin Alba, residente ng Caloocan City, kapwa nasugatan sa kanilang binti at braso.
Ayon sa magkapatid, abala sila sa panghuhuli ng isda sa baha nang biglang umalagwa ang tubig kasunod nito ay naguhuan sila ng lupa.
Dagdag ng magkapatid, bukod sa naguhuan ng lupa ay nabagsakan din sila ng bato, yero at punongkahoy ngunit sa kabutihang palad ay nailigtas ng kanilang mga kalugar.
Ayon sa mga residente, kaya naging mabilis ang paglaki ng tubig sa kanilang lugar ay dahil tinambakan ang isang sapa.
Inihayag naman ng mga opisyal ng barangay na hindi sila nagkukulang ng pagpapaalala sa kanilang nasasakupan hinggil sa panganib ng baha dahil sa bagyo. (ALAIN AJERO)
