HAMON SA PABAHAY

KASABAY ng pagdami ng populasyon ay ang pagtaas ng antas ng pangangailangan ng ­disenteng tahanan sa mamamayang Pilipino. Sa nakalipas na mga taon, tila nawaglit ito sa mga nagdaang administrasyong piniling iwan sa real estate developers ang problema sa pabahay.

Ito mismo ang hamon sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), isang bagong kagawarang binigyan ng mandatong isulong ang programang magbibigay-daan na magkaroon ng maayos na bahay ang bawat pamilyang Pilipino.

Ang totoo, hindi biro ang mandato ng DHSUD lalo pa’t nahaharap sa matinding problema sa pananalapi ang bansang mistulang nakabaon sa malaking pagkakautang sa nakalipas na 36 taon.

Sa datos ng pamahalaan, malaki ang tinatawag na housing backlog sa Pilipinas. Base sa datos na lumabas noong nakaraang taon, abot sa 6.5 milyon ang housing backlog sa buong bansa – hindi pa kasama sa bilang ang mga nangungupahan.

Ang masaklap, patuloy pang tumataas ang housing backlog dahil na rin sa komplikadong ­proseso. Sa dami ng mga hinahanap ng realty companies, sadyang mahirap para sa isang ordinaryong empleyado ang makapagpundar ng bahay sa kanyang pamilya.

Ito mismo ang buod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. – gawing abot-kaya at simple ang proseso sa pangarap na tahanan ng bawat pamilyang Pilipino.

Ang siste, sa bawat araw na hindi natutugunan ang direktiba ng Pangulo, lalong malabong ma­tupad ang pangarap na bahay ng mga maralitang Pilipino dahil sa mabilis na pagtaas sa presyo ng mga kagamitang kailangan para makabuo ng isang payak subalit disenteng pabahay sa mga benepisyaryo.

Sa pag-aaral ng Chamber of Real Estate and Builders Association Inc., kailangang makapagpatayo ng 500,000 bahay kada taon sa loob ng dalawang dekada – ‘yan ay kung seryoso at determinado ang gobyernong tugunan ang isa sa ­pangunahing mga pangangailangan ng isang maliit na pamilya.

Ang tanong – kaya ba ng gobyernong ­pondohan ang naturang ambisyosong proyekto?

Ang sagot – hindi sa ngayon dahil baon sa utang ang ating gobyerno. Kaya naman ang sagot ng Pangulo, bayanihan sa pagitan ng ­gobyerno at real estate developers. Layon ng Pangulong ­gawing prayoridad ang low-cost housing program, kalakip ang mekanismong simpleng proseso at abot-kayang hulog ng mga ordinaryong Pilipino.

Hindi mahirap bigyang katuparan ang simpleng pangarap ng mga maralitang Pilipino. Kung si ­Dennis Uy nga na ang tanging ambag ay tumulong sa kampanya ng nagdaang Pangulo, pinagbigyan at ginawaran ng letter of guarantee ng nagdaang administrasyon – ang mga botante pa kayang nagluklok sa kanya sa pwesto?

329

Related posts

Leave a Comment