HAMON SA PAPALIT NA PANGULO

HINDI magiging madali para sa susunod na Pangulo ng Republika ang kahaharaping suliranin iiwan ng administrasyong Duterte – sandamakmak na pagkakautang, kawalan ng hanapbuhay, droga, kaayusan, katiwalian, ang pananakop ng Tsina at patuloy na banta ng pandemya.

Ang masaklap, dobleng hirap na ang pagpapatupad ng mga proyekto at programa ng pamahalaan dahil sa laki ng salaping kailangang bayaran ng susunod na ­administrasyong sukdulang kumanlong ng mga tiwaling nasa likod ng kabi-kabilang katiwalian.

Pondong dapat sana’y magagamit para maibsan ang kahirapan, kawalan ng hanap­buhay, pabahay, edukasyon, kalusugan at kabuhayan sa mga pamilyang inilugmok ng pandemya.

Gayunpaman, naniniwala ang Department of Finance (DOF) na bagama’t matinding hamon ang sitwasyon ng pananalapi ng bansa, may inilatag na silang plano na naglalayong bawasan ang “fiscal deficits” at paglobo ng utang.

Nangangahulugan ba itong hindi muna makakautang ang susunod na administrasyon? Kung susuriing maigi, parang ganun nga. Ang siste, magiging abala lamang ang papalit kay Pangulong Rodrigo Duterte sa paglilikom ng salaping ni hindi sasapat na pambayad sa tinatayang P13 trilyong utang ng kanyang administrasyon.

Para maisakatuparan ang plano, pwersahan na ang gagawing paniningil ng buwis sa mamamayang Pilipino.

Kabilang sa mga dapat anilang tutukan ng susunod na administrasyon ang pagbawi ng buwis na nawala bunsod ng pandemya, pondong kakailanganin ng pamahalaan sa pagtugon sa patuloy na pananalasa ng lintek na COVID-19, at ang epekto ng Mandanas ruling na naglilipat ng mas malaking pondo ng national government sa Local Government Units (LGUs).

Ayon mismo sa mga eksperto, matatagalan pa bago makabangon ang Pilipinas.

Sa madaling salita, isang bangkaroteng administrasyon ang iiwan ni Duterte – isang problemang patuloy na iindahin ng bayan. hanggang taong 2060.

109

Related posts

Leave a Comment