Hamon sa PDEA PADRINO NG CHINESE DRUG RINGS TUGISIN

PINATUTUGIS ng chairman ng House committee on dangerous drugs ang mga protektor ng mga Chinese national na nahulihan ng P1.482 bilyong halaga ng shabu sa Bulacan, Quezon City at Valenzuela City.

Ginawa ni Surigao del Norte Rep. Robert “Ace” Barbers ang nasabing hamon dahil naniniwala ito na mayroong protektor ang mga suspek kaya malakas ang loob ng mga ito na mag-operate sa Pilipinas sa kabila ng war on drug ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“May mga koneksyon ang mga iyan dito sa Pinas,” ani Barbers at dapat aniyang tuntunin ang mga ito ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Kamakalawa, nagsagawa ang PDEA at Philippine National Police (PNP) ng sabay-sabay na operasyon kung saan isang Chinese national ang napatay at apat pa ang naaresto habang umaabot sa P1.482 billion halaga ng droga ang nasamsam.

Napatay sa operasyon sa Barangay Santol, Balagtas, Bulacan si Wu Zi Shen kung saan nakakumpiska ang PDEA ng P510 milyong halaga ng shabu habang nakatakas naman ang kasamahan nito na si Chen Hongli.

Naaresto naman sina Willie Lu Tan, 42; Anton Wong, 28; and Chen Zhin, 79, sa operasyon sa Barangay San Bartolome, Novaliches, Quezon City at nakuhanan ang mga ito ng P863.6 million habang sa Valenzuela City ay nasukol si Joseph Dy kasama ang 15 kilo ng droga na nagkakahalaga ng P102 million.

Kasabay nito, umapela si Barbers sa Senado na ipasa na ang panukalang batas na mag-aamyenda sa Republic Act 9165 o Dangerous Drugs Act of 1992 upang mas mapalakas ang kampanya laban sa ilegal na droga.

Nauna rito, humirit din si Senador Panfilo Lacson ng malalimang imbestigasyon sa pagkakasangkot ng ilang Tsino sa drug operations sa bansa.

“Bakit lalong nagiging lantaran ang pagkasangkot sa ilegal na droga ng ilang Tsino sa ating bansa? Gaano na sila katagal namamayagpag dito? May koneksyon ba sila sa pamahalaan?”

Ito ang mga tanong na inilahad ni Senador Panfilo Lacson kasabay ng pagsasabing dapat ay mahanapan ito ng solusyon ng PDEA at Dangerous Drugs Board (DDB). (BERNARD TAGUINOD)

104

Related posts

Leave a Comment