Handa nga ba ang US at Pinas na ipagtanggol ang ating teritoryo?

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

SA Bureau of Customs (BoC), despite ‘yung sinasabi nilang all-out campaign versus smugglers ay tuloy-tuloy pa rin at namamayagpag ang smuggling activities sa Aduana.

Opo, mismong ilang empleyado at opisyal ng BoC ay sinasabing mga kasabwat ng mga ismagler, mga tinamaan ng lintek!

Ang iba, may sarili pang kompanya ng brokerage, kung kanila mismo ang brokerage, tiyak ang palusot-undervaluation, under declaration at misdeclaration at ang iba naman umano’y gumagamit ng sindikato at katulong ang Customs enforcers sa lantarang smuggling, totoo ba ito?

Kahit na matino ang nagpapatakbo ngayon sa BoC sa pamumuno ng bagong talagang si Commissioner Ariel Nepomuceno, meron pa kayang pag-asang tumino ang ahensya?

Kasi, kung mas marami ang magnanakaw at corrupt, hindi na nga maaalis ang tatak nitong BoC bilang flagship of corruption?

***

Anyare na sa ilang kargamento na unti-unti raw nama-magic sa Customs?

Ito ‘yung mga kargamentong may kasong illegal shipment na ikinakahon na o nakakahon na raw para ibigay sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), susmaryosep, ano ba ‘yan?

Paano na ang maraming abandoned shipment na kundi nabubulok, nawawalang parang bula kahit na may bantay pang Customs Intelligence and Investigation Services (CIIS) at Enforcement and Security Service (ESS), totoo ba ang mga ito?

Nagtatanong lang naman.

***

Sa usaping West Philippine Sea, malinaw na nasa loob ng ating teritoryo ang Ayungin Shoal at ewan kung abo ang utak o masakit man sabihin, estupido ang Pinoy na magsasabi na hindi atin ang WPS.

Sa mahinahon at matimping pahayag ng mga pinuno ng bansa, naipakikita naman nila na mahuhusay silang lider na ginagawa ang lahat ng kilos at salita upang ‘di mapasubo sa away ang bansang Pinas, at ang kanilang paninindigan na ang Pilipinas ay laging nakasandig at nakasandal sa tadhanang ipinasusunod ng international law at sa pagtitiwalang kapayapaan ang mas kailangan ngayon ng bansa.

Dati pa sinabi ni Defense Secretary Gibo Teodoro ang intensyon ng China na tayo ay pagalitin o magawang mapikon at maudyukang gumanti sa mga “barbaric act” ng Chinese Coast Guard (CCG), sabi nga niya: “We refuse to play by the rules that force us to choose sides in a great power competition.”

Hindi tayo magpapadala sa udyok ng sinoman upang ilagay sa panganib ang buhay ng mamamayang Pinoy, aniya: “No government that truly exists in the service of the people will invite danger or harm to lives and livelihood.”

Pero, madiin ang sinabi ni Teodoro, ‘wag ipakahulugan na ang matimping kilos ng pamahalaan ay ipagkamali na isang kahinaan o karuwagan.

Hindi tayo papayag na paapi; hindi tayo magpapasakop at handang ipagpatuloy ang kalayaan ng bansa na bunga ng paglaban, pagbubuwis ng dugo at buhay ng ating makabayang ninuno.

“We will never be oppressed by anyone,” sabi ni Gibo.

Ipinangako ni Gibo with President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., gagawin niia ang higit pa sa makakayang gawin upang ipagtanggol ang teritoryo, kalayaan at karapatan ng bansa sa WPS.

Aniya, sa mamamayang Pilipino ang WPS, hindi ito maaaring angkinin ng sinomang dayuhang bansa.

“We are on very solid international legal grounds on this,” sabi ni Sec. Teodoro.

Tungkol naman sa BRP Sierra Madre, ito ay sinadyang ibahura noong 1999 upang magsilbing military outpost natin at lantarang pagsasabi sa mundo: Atin ang WPS!

Inihayag ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague sa Netherlands na atin nga, karapatan nga ng Pilipinas ang WPS, at hindi ito mababago pa, kahit tanggihan ng China.

Katunayang ito ay tinatanggap ng komunidad ng mga bansa sa mundo, tama ang sinabi ni PBBM, nakatindig ang pag-angkin ng Pilipinas sa WPS sa isang solidong bato.

Kadikit lang — 120 miles — ng Palawan ang WPS, pero mahigit sa 621.371 miles ito sa Hainan island ng China!

Sa pisikal na layo o lapit, malinaw, “Atin ang WPS!”

Hindi lang sa matatag na solidong bato nakatayo ang paninindigang atin ang WPS, ito ay tinatanggap ng maraming bansa, at ‘wag sana, pero kung mangyari na hindi na maiiwasan pa, handa ang Pilipinas at ang US at iba pang kaalyadong bansa na ipagtanggol ang ating teritoryo.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

15

Related posts

Leave a Comment