Handang tumestigo vs Digong? GARMA SUMIBAT PA-MALAYSIA

POSIBLENG maging saksi ng International Criminal Court (ICC) si retired police colonel Royina Garma sa kasong crimes against humanity laban kay dating pangulong Rodrigo Duterte, ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.

“Pumayag na raw siyang maging witness, sabi ni Senator Trillanes. Nakikipag-ugnayan ako kay Trillanes kasi wala naman tayong opisyal na relasyon sa ICC, maliban sa pagbabantay sa mga testigo dito,” ani Remulla.

Inamin din ni Remulla na ilang buwan na nilang napag-uusapan ni dating Senador Antonio Trillanes IV si Garma. Pero nilinaw ng kalihim na hindi pa siya nakikipag-usap nang personal sa dating PCSO manager.

Bago ito, kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) sa Department of Justice (DOJ) na lumabas na ng bansa si Garma.

Batay sa talaan ng immigration si Garma ay umalis 10:43 nitong Linggo ng gabi, na dumaan sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 bilang turista at nagtungo sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Magugunitang naisyuhan ng immigration lookout bulletin order (ILBO) si Garma noong November 15, 2024 dahil sa pagiging person of interest sa isang kaso noong 2020 at sa hiwalay pang kaso noong 2016.

Si Garma ay nakabalik sa Pilipinas kamakalawa makaraan siyang ipa-deport ng Estados Unidos.

Naging kontrobersyal si Garma makaraang isalang sa pagdinig ng mga mambabatas kung saan isinangkot siya sa anti-drug war campaign noong Duterte administration.

(JULIET PACOT)

44

Related posts

Leave a Comment