HINDI inaalis ng mga awtoridad na maaaring “hate crime” laban sa mga miyembro ng LGBT community ang nangyaring pagpapasabog sa bayan ng Datu Piang, sa lalawigang ng Maguindanao na ikinamatay ng isang lalaki at ikinasugat ng walong iba pa.
Sa inisyal na imbestigasyon, kabilang ang nasabing anggulo sa tatlong motibong binubusisi ng Philippine Army at ng PNP, ayon kay si Lt. Col. John Paul Baldomar, tagapagsalita ng 6th Infantry Division.
“We found out na itong mga kabataan na miyembro ng LGBT sa Datu Piang ay naka-receive ng death threats from BIFF-Karialan faction, na sila ay binabantaan na sasaktan ng nasabing grupo kung hindi nila ide-denounce ‘yung kanilang affiliation sa LGBT,” ayon sa lokal na tagapagsalita ng military.
Sabi ni Baldomar, patuloy ang pagtugis sa mga miyembro ng BIFF, na tuloy-tuloy ang operasyon sa ilang bayan sa Maguindanao simula pa noong mga nakaraang buwan.
Nabatid na tatlong anggulo ang tinitingnan ng militar sa likod ng nangyaring pagpapasabog ng isang command detonated improvised explosive device.
Sugatan ang walong indibidwal na mga miyembro ng lesbian, gay, bisexual, and transgender (LGBT) community matapos ang nangyaring pagbomba sa covered court sa plaza ng Datu Piang habang may ginaganap na volleyball tournament noong Sabado ng hapon.
Anim ang na-admit sa ospital, kabilang isang kritikal ang kalagayan. Ang natitirang dalawa naman ay may mga galos at kaunting sugat. Sinabi ni Baldomar, dahil sa signature na bomba na kalimitang gamit at gawa sa Central Mindanao, ang una nilang ikinokonsiderang posibilidad ay ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) o Dawlah Islamiya ang nasa likod ng pagpapasabog para ma-divert ang atensyon ng militar mula sa mga operasyon laban sa kanila.
Pangalawang posibilidad aniya ay personal na pag-atake dahil bago ang insidente ay nakatanggap umano ng banta ang grupo ng LGBT na may aktibidad sa covered court noong panahong ‘yun.
Pangatlong posibilidad ay may kinalaman sa pulitika dahil dati na aniyang “hotspot” ang Datu Piang. (JESSE KABEL)
