Ni JOEL O. AMONGO
SA pambihirang pagkakataon, bilangguan ang kahahantungan ng apat na negosyanteng hinatulan ng husgado sa lalawigan ng Bataan. Ang kaso – smuggling!
Sa inilabas na desisyon ng 3rd Orion-Pilar Municipal Circuit Trial Court (MCTC), hinatulang “guilty beyond reasonable doubt” ang apat na rice traders na dinakip sa aktong pagpupuslit ng bigas na lulan ng barkong LCT Yellow River sa Orion Dockyard sa bayan ng Orion noong buwan ng Pebrero ng nakalipas na taon.
Bukod sa bigas, hagip din sa naturang operasyon ang iba pang kontrabando – kabilang ang mga sigarilyong kasabay na ipinuslit sa bansa.
Ayon sa kawanihan, nag-ugat ang hatol sa kasong isinampa ng Bureau’s Action Team against Smugglers (BATAS) sa MCTC, at maging sa regional trial court at Court of Tax Appeals.
Sa hatol ng husgado, sentensyado ng mula tatlong taon at anim na buwan hanggang apat na taon at walong buwan sa piitan ang mga hindi pinangalanang indibidwal.
Makaraang lumabas ang pasya ng korte, agad namang naglabas ng pahayag si Acting Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz. Aniya, mas paiigtingin pa ng kanyang pinamumunuang kawanihan ang pagtutok sa mga nakasampang kaso sa iba’t ibang husgado sa hangaring tiyaking mapanagot ang mga mapagsamantalang negosyante at maging yaong mga aniya’y kakuntsaba sa ahensya.
Pagtitiyak pa ng opisyal, patuloy ang umiiral na paghihigpit sa mga pumapasok at lumalabas na kargamento alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na una nang naglabas ng direktiba – kapunin ang mga sindikato sa likod ng mga illegal smuggling sa bansa, partikular sa usapin ng agri-smuggling.
Sa tala ng kawanihan, umabot na sa 66 kargamentong naglalaman ng mga smuggled agri-products (katumbas ng P701.82 milyon) ang naembargo ng BOC mula Enero hanggang Agosto.
“Agricultural smuggling deprives the government of lawful revenues and affects locally produced farm products since these cannot compete with illegally imported ones due to pricing. Addressing agricultural smuggling would not only protect local farmers but also ensure food safety for all Filipinos,” pahabol pa ni Ruiz.
277
