DAPAT makagawa agad ng paraan ang gobyerno kung paanong hindi magkakahawahan ang mga taong nasa evacuation centers na naapektuhan ng Bagyong “Rolly”.
Kung hindi makakagawa ng paraan ang mga kinauukulan ay posibleng sumipa na naman ang bilang ng may COVID-19 sa bansa.
Na-PUNA kasi natin sa mga naglalabasang videos mula sa mga lugar na naapektuhan ng nagdaang bagyo na hindi nasusunod ang mga umiiral na health protocol tulad ng physical distancing, pagsusuot ng face mask at face shield.
Sana kumilos ang national government para makatulong sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo lalo na sa Albay at Catanduanes.
Hindi pwedeng ipagpabukas ang aksyon sa problemang ito dahil ang COVID-19 ay mabilis na nakakahawa.
Lalo na ang mga tao na nakatira sa mga lugar na tinamaan ng bagyo na nakaranas ng lamig ng panahon noong binabayo ni Rolly. Siyempre karamihan sa kanila ay inuubo o masama ang pakiramdam dahil sa malalakas na ulan na dulot ng bagyo.
Siyempre kung wala silang face mask, shield at physical distancing ay siguradong mabilis na hawahan ang kanilang patutunguhan.
Pakilusin na rin dapat ng mga Local Government Units (LGUs) sa lugar ang kanilang mga tauhan para umasiste sa mga residente na kanilang nasasakupan.
Kung magtutulungan po ang lahat ay mapapagaan ang gawain riyan sa mga lugar na sinalanta ni Rolly.
Wala po tayong magagawa kundi tanggapin na lamang ang ating kapalaran na dinadaanan tayo ng 20 bagyo taun-taon.
Sa pamamagitan ng ating pagtutulungan ang bigat na dinadala ng ating mga kababayan na tinamaan ng kalamidad ay maiibsan.
Lalo na ang mga namatayan ng mga kaanak habang ang iba ay hinahanap pa hanggang sa ngayon ang miyembro ng kanilang pamilya na nawalay sa kanila sa panahon ng pananalasa ng bagyo.
Hindi rin sila nakasisiguro na buhay pa ang mga yan dahil sa lakas ng bagyo na inabot pa ng signal no.5.
Tama lang din na ipagbawal muna ang mga Christmas Party sa mga tanggapan ng gobyerno at pribadong opisina. Mas unahin siguro natin na tulungan ang mga sinalanta ng bagyo sa mga nabanggit na lugar.
Hindi magiging masaya ang selebrasyon ng Pasko natin kung ang mga kamag-anak natin na sinalanta ng bagyo ay walang makain.
Mas makabubuting i-donate na lang natin sa kanila ang konting halaga na gagamitin natin sa pagdiriwang ng Christmas Party nang may pamatid gutom sila.
Dobleng hirap ang dinaranas ng ating mga kababayan na dinaanan ng Bagyong Rolly, hindi pa man sila nakakarekober sa kanilang sinapit ay mayroon na namang nagbabantang sama ng panahon na nasa Pacific Ocean pa.
Kaya nananawagan po ang PUNA sa mga kababayan natin na magbigay ng kaunting tulong sa mga tinamaan ng Bagyong Rolly.
Sisikapin din ng PUNA na kahit papaano ay makaambag tayo sa mga sinalanta ng bagyo.
Ang pagmamahal sa ating kapwa ay nagpapatunay lamang na may pagmamahal tayo sa ating Panginoon. God Bless Philippines!
oOo
Para sa reklamo at suhestiyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.
133 