KINALAMPAG kahapon ng ilang grupo ng health advocates ang Korte Suprema upang kwestyunin ang zero subsidy ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.
Sa ilang pahinang petisyon, iginiit ng petitioners na nabigo ang Kongreso na paglaanan ng pondo mula sa sin tax ang state insurer na nakasaad sa batas.
Aabot anila sa P69.81 billion ang dapat nakalaang pondo para sa ahensiya ngayong taon lamang mula sa buwis sa tobacco at matatamis na inumin.
Hiniling din ng petitioners na atasan ang respondents na ibalik ang hindi na-remit na koleksyon sa nakalipas na dalawang taon na para sana sa premium contributions ng indirect contributors ng PhilHealth.
Nagsilbing petitioners ang Likhaan Center for Women’s Health, Medical Action Group, Social Watch Philippines, dating Health Secretary Jaime Galvez Tan at maging ilang community leaders at labor groups.
Respondents naman sa petisyon sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Kongreso, Department of Finance, Bureau of Treasury, Department of Budget and Management, Department of Health, PhilHealth, PAGCOR at PCSO.
(JULIET PACOT)
