MAY kasabihan ang mga matatanda na di baleng walang pera basta huwag lang magkasakit. Ang maayos na kalusugan ang tanging yaman ng mga mahihirap kaya ang dasal ng lahat ay huwag magkasakit.
May mga pagkakataon lang talaga na magkakasakit ka lalo na kapag inabuso mo ang katawan mo noong bata ka at kalakasan mo pa kaya napag-ipunan ka at pagtanda mo, sinisingil ka ng katawan mo.
Pero sa iba, lalo na sa mga timawa, ang kalusugan ng mga tao ang kanilang yaman. Ang Health ng mga tao ang kanyang Wealth o kayamanan. Pinagkakakitaan nila ang kalusugan ng mga tao. Yumayaman sila sa kalusugan ng mga tao.
Tulad na lamang nitong mga health officials natin na kapag mura ang gamot na nakakagaling naman ng sakit ay parang ayaw nilang ipagamit at mas gusto nila yung mahal. Bakit? Magkano ang dahilan?
Nitong nagdaang araw, pinaimbestigahan ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor ang dahilan bakit ayaw payagan ng Food and Drug Administration (FDA) at Department of Health (DOH) na gamitin sa mga COVID-19 patients ang Ivermectin.
Aminado si Cong. Mike na isa sya sa gumamit ng Ivermectin noong magkaroon siya ng COVID-19 na sinabayan ng paracetamol at vitamin C kaya nakarecover agad siya sa nakamamatay na virus na galing sa Wuhan, China.
Kung hindi nagkaroon ng imbestigasyon ang Kongreso, hindi magbabago ng posisyon ang FDA. Pero ang nakakabanas lang, bakit sarado ang isip nila sa gamot na ito noong una?
Tandaan natin na walang lumabas sa Congress hearing na nagsasabi na hindi nakakagaling ang Ivermectin ng COVID-19, wala. Walang sinabi sina FDA chief Eric Domingo at Health Secretary Francisco Duque III na hindi nakakagaling ang Ivermectin.
Hindi pa raw kasi registered drug para sa tao ang ivermectin kaya hindi ito mairekomenda na gamitin kahit sa compassionate used lang muna habang pinag-aaralan.
Pero bakit ang Remdisivir, binigyan nila ng go signal para sa compassionate used? Sino ba ang importer ng gamot na yan na ang halaga ay P18,000 bawat doses at dalawang doses ang kailangan ng isang pasyente sa isang araw?
Teka nga pala. Ang halaga pala ng Remdisivir sa India ay P585 per vial lang pero ibinebenta dito sa Pinas ng P18,000? Ang laki ng tubo nila kaya ang pinagkakakitaan nila ang mga pasyente sa COVID-19. Lalo nilang pinahihirapan ang mga pasyente at pamilya nila.
Bakit pinayagan ng FDA at DOH na pagkakitaan ng sinumang nasa likod ng Remdisivir importation ang mga pasyente? Nasaan ang malasakit sa mga Filipino na hindi nila naprotektahan sa COVID-19?
Bakit marami pa rin ang namamatay sa COVID-19 kung talagang nakakagamot ang remdisivir na mahigit P17,000 ang tubo nila bawat doses samantalang malamig sila sa Ivermectin na P35 lang ang halaga at sinasabi ng mga doctor na hindi takot mawalan ng lisensya na mas epektibong panggamot ito sa COVID-19?
Bakit mas gusto ng mga health officials ang gamot na mas mahal at hindi kaya ng mga tao lalo na ang mga mahihirap kesa sa mga mura na at epektibo pa? Mayroon bang malaking halagang dahilan?
Sa ibang bansa, ginagamit na ang ivermectin at kasama ito sa mga gamot na ipinamimigay ng gobyerno sa kanilang mga tao pangontra sa coronavirus pero dito sa ating bansa, malamig pa rin ang FDA at DOH sa gamot na ito.
Masyado nang lugmok ang ekonomiya natin. Bagsak na bagsak na ang mga tao at lumalala ang kanilang anxiety lalo na’t hindi pa dumarating ang mga bakunang ipinangutang nang P127 Billion mula noon pang Mayo 2020.
Kaya ang tanong, gusto ba talaga ng mga health officials na gumaling na ang bansa sa COVID-19? O gustong payamanin muna ng husto ang mga importers ng gamot at mga COVID-19 vaccine manufacturer?.
