HEPE NG MGA SEKYU PATAY SA MGA TAUHAN

PINAGBABARIL ng kanyang mga tauhan ang OIC ng mga security guard ng isang ceramic store sa garahe ng kanyang bahay sa JP Laurel highway, Brgy. San Fernando, Malvar, Batangas, Linggo ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Clarence Sualog, security OIC ng Mariwasa Siam Ceramics Inc. sa Sto. Tomas City.

Batay sa report, dakong alas-6:25 ng umaga, naghahanda na sa pagpasok sa trabaho ang biktima nang dumating ang dalawang suspek na magkaangkas sa motorsiklo.

Pinagbabaril ng mga ito ang biktima na tinamaan sa ulo at agarang ikinasawi nito.

Patakas na ang dalawang suspek na kinilala ang isa na si Onisemo Bernil Jr., 24-anyos, nang makita sila sa rear view mirror ng patrol car ng mga pulis na nagkataong nakahinto hindi kalayuan sa lugar.

Agad minaniobra ng mga pulis ang patrol car at hinabol ang dalawang suspek saka binangga ang hulihang bahagi ng motorsiklo.

Naaresto ang suspek na si Bernil subalit nakatakas ang kasama nito.

Narekober sa crime scene ang mga basyo ng 9mm na baril na ginamit sa krimen.

Patuloy pa ang imbestigasyon at inaalam ang motibo sa pamamaril.

(NILOU DEL CARMEN)

284

Related posts

Leave a Comment