BATANGAS – Patay ang isang hepe ng barangay tanod makaraang pagbabarilin ng riding in tandem sa Tanauan City sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng tanghali.
Kinilala ang biktimang si Gregorio Atienza, 57, hepe ng mga tanod ng Barangay ng Altura South, Tanauan City.
Batay sa report ng Tanauan City Police, nagpapahinga sa kanyang nakaparadang tricycle ang biktima nang dumating ang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo at ito ay pinagbabaril.
Nakatakbo pa ang biktima sa unang bugso ng pamamaril subalit hinabol ito ng mga suspek at tinuluyan.
Dead on the spot ang biktima habang mabilis na tumakas ang mga suspek makaraan ang pamamaril.
Inaalam pa ng mga imbestigador kung may kinalaman sa katungkulan ng biktima bilang hepe ng mga tanod, ang motibo sa krimen. (NILOU DEL CARMEN)
