BLANGKO ang Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP) sa patutunguhan ng karera ng nag-iisang Olympics gold medalist ng bansa na si Hidilyn Diaz, makaraang magpakasal sa kanyang personal coach na si Julius Naranjo.
Inamin ni SWP president Monico Puentevella, tumayong isa sa mga ninong sa Diaz-Naranjo nuptial, hindi siya tiyak kung ano ang magiging prayoridad ng Pinay weightlifter — magbuhat ng barbell o baby?
“Kakausapin ko sila kung ano ba talaga ang plano nila. Alam mo naman magha-honeymoon ‘yan at siyempre baka mahirapan ‘yan makabuhat pagbalik,” sabi ni Puentevella. “Kaya gusto ko talagang malaman kung mas gusto nilang makabuo ng pamilya, because she (Hidilyn) deserves it laluna sobrang paghihirap at sakripisyo niya.”
Ayon sa SWP prexy, malaking pagsubok kay Diaz ang gaganaping World Weightlifting Championships sa Bogota, Colombia sa Disyembre 2022.
“If she does not do well in Colombia, I think I have to talk to both of them as one of their godfathers, to focus on family na lang kasi wala na siyang dapat patunayan. She deserves to be happy.”
Si Diaz ay four-time Olympian — Beijing 2008, London 2012, Rio de Janeiro 2016 kung saan siya nag-silver, at Tokyo 2021 kung kailan niya binuhat ang historic first gold medal para sa Pilipinas.
Samantala, maliban sa kanyang pag-aasawa ay ikukunsidera din ni Diaz kung bababa o tataas siya ng timbang kung tutuloy siya sa quadrennial meet sa Paris 2024, makaraang alisin ang women’s weightlifting 55 kg category.
“Kailangan niyang isipin kung handa siyang bumaba sa timbang na 49kg o mas mataas na 59kg, kung saan makakalaban niya si Elreen Ando,” dagdag ni Puentevella.
“Kung aakyat siya, makikipagkumpitensya siya sa mas malalaking babae. Kung pipiliin niya ang 49kg, kakailanganin niyang bumaba ng 6 kilo at mapipilitan siyang hindi na halos kumain.” (ANN ENCARNACION)
