MAYROON pa bang mas karapat-dapat tanghaling Philippine Sportswriters Association (PSA) 2021 Athlete of the Year maliban kay weightlifter Hidilyn Diaz?
Wala na.
Sa pagbibigay ng karangalan at pagguhit ng kasaysayan ng Philippine sports, unanimous ang pagkakahirang kay Diaz para sa pinakamataas na karangalang ipinagkakaloob ng oldest media organization sa bansa.
Tinapos ni Diaz ang napakahabang panahong pagtatangka ng Pilipinas sa gintong medalya sa Olympic Games, nang hablutin niya ito sa women’s 55-kg event sa Tokyo Olympiad.
Kaya naman, marapat lamang na igawad sa kanya ang karangalan sa taunang San Miguel Corporation-PSA Annual Awards Night sa Marso 14 sa grand ballroom ng Diamond Hotel.
Makasaysayan ang Tokyo Olympics, dahil naging inspirasyon si Diaz ng iba pang atletang Pinoy na sumabak, kung saan nakahablot din ang Philippine team ng dalawang pilak sa katauhan nina boxers Nesthy Petecio at Carlo Paalam at isang tanso mula kay Eumir Marcial.
Pangungunahan ng 30-anyos na si Diaz ang listahan ng top achievers na kikilalanin sa award rites na itataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC) at ng Cignal TV.
“Hidilyn Diaz winning the country’s first ever Olympic gold medal was definitely the highpoint of what had been a truly memorable year for Philippine sports. The PSA was unanimous in its choice of Hidilyn as our Athlete of the Year for 2021,” pahayag ni PSA president Rey C. Lachica, sports editor ng Tempo.
Ang event ay taunang isinasagawa ng PSA sa tulong ng MILO, 1Pacman, Philippine Basketball Association (PBA), Rain or Shine, ICTSI, Chooks To Go, Smart, Philippine Racing Commission (PHILRACOM), at ng MVP Sports Foundation (MVPSF).
Ikatlong Athlete of the Year honor ito ni Diaz sa nakaraang anim na taon.
Una niyang nakuha ang top honor noong 2016, matapos niyang hablutin ang silver medal sa Rio Olympics, na nagtapos sa 20-year medal drought ng Pilipinas.
Sinundan ito noong 2018 Asian Games sa Indonesia, kasama sina golfing trio Yuka Saso, Bianca Pagdanganan at Lois Kaye Go, skateboarder Margielyn Didal na nagsipagwagi ng gold medals.
279 