HIGIT 12K DOSES NG BAKUNA NASAYANG

HINDI napakinabangan ang tinatayang nasa 12,970 doses ng iba’t ibang COVID-19 vaccines dahil sa iba’t ibang dahilan ng paghawak nito para maipadala sa iba’t ibang sulok ng bansa, ayon sa Department of Health (DOH).

Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na karaniwang dahilan ng pagkasira ng mga bakuna ay ang pagkakalantad ng mga ito sa maling temperatura, transportasyon, kawalan ng labels, presensya ng mga ‘articulate matters’ at iba pa.

“Most of the reasons would be itong temperature excursions, merong nagkaroon ng sunog sa Cotabato at Ilocos Norte dati kung saan ang ilang bakuna natin ay nadamay sa pagkasunog,” ayon pa kay Vergeire.

Binanggit din niya ang paglubog ng isang bangka na may laman na mga bakuna na ibibiyahe sana sa isang malayong isla.

Sa kabila nito, ikinukonsidera pa rin na napakaliit na numero ang mga nasayang dahil sa aabot na sa 91,339,530 doses ng bakuna ang naideliber sa Pilipinas. Sa naturang bilang, nasa 51,985,108 na ang naipamigay sa publiko.

1M daily vaccination

Samantala, umapela ang liderato ng mababang kapulungan ng Kongreso sa national at local government kasama na ang pribadong sektor na magtulungan upang makamit ang isang milyong pagbabakuna kada araw.

Ginawa ni Deputy Speaker Eric Martinez ang nasabing apela upang mas mapabilis ang pagkamit sa herd immunity at makabangon agad ang ekonomiya ng bansa na labis na naapektuhan sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ng mambabatas na kung kaya ng ibang bansa na makapagbakuna ng mahigit isang milyon katao kada araw tulad ng Indonesia ay walang dahilan para hindi ito magawa ng Pilipinas lalo na’t may sapat na bakuna na umano sa bansa.

“This is the time that we ramp up our vaccination, with both the public and private sectors heavily involved,” pahayag ng mambabatas. (RENE CRISOSTOMO/BERNARD TAGUINOD)

187

Related posts

Leave a Comment