MAGTATALAGA ng mahigit isang libong personnel ang Philippine Coast Guard (PCG) para sa kapistahan ng Poong Hesus Nazareno sa Quiapo, Manila.
Ang nasa 1,100 na mga tauhan ng PCG ay tutulong para magbantay sa seguridad sa kapistahan ng Poong Jesus Nazareno at sa seguridad ng mga deboto at makikiisa sa banal na aktibidad.
Ayon kay PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan PCG, ipakakalat ang kanilang mga tauhan sa iba’t ibang lugar na daraanan ng ruta ng prusisyon ng Traslacion 2025 gayundin sa paligid ng Simbahan ng Quiapo.
Nasa 21 floating assets ang ipakakalat din ng PCG para magsagawa ng maritime security at safety operations sa Pasig River at Manila Bay kung saan siyam na unit nito ay mag-iikot sa ilang mga kalsada sa lungsod.
Umaasa si Admiral Gavan na magiging payapa at maayos ang Traslacion 2025.
Andas Mas Pinatibay
Pinatibay pa ang andas ng Poong Hesus nazareno at ginawa itong sun proof, ayon sa Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno o Quiapo Church.
Sinabi ni Fr. Robert Arellano, tagapagsalita ng Quiapo Church, sa kapistahan ngayon ng Jesus Nazareno ay makikita na ng mga deboto ang imahe sa prusisyon nang hindi nagpapawis ang salamin o nagmo-moist.
Ito ay gawa sa tempered glass para pumasok din ang natural na liwanag sa Mahal na Poong Hesus Nazareno upang makita ng mga deboto ang imahe mula sa mga establisimyento.
Sinabi rin ni Fr. Arellano na mas lalong pinatibay ang stainless metal na makikita sa andas gayundin sa gulong nito.
Umaasa naman ang pari na ang prusisyon ngayong taon ay mas mabilis at magiging maayos dahil ito ay ipagdiriwang na sa buong bansa.
Pinaalalahanan din ng Simbahan ang mga deboto na sumunod sa mga patakaran at regulasyon sa pagsasagawa ng Traslacion.
Bilang bahagi ng security measures sa pagdiriwang ng kapistahan, magpapatupad ng liquor at gun ban sa paligid ng Quiapo.
Pahalik Nailatag Na
Nailatag na ang lahat ng mga paghahanda para sa tradisyonal na pahalik sa Poong Jesus Nazareno sa Quirino Grandstand.
Natapos na ang pagsasaayos sa paglalagyan ng imahe sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan ng Maynila, MMDA at pamunuan ng Simbahan ng Quiapo.
Nakapagtayo na rin ng barikada at mga tolda para sa pila ng mga deboto habang natapos na ring ayusin ang entablado hindi lang sa pahalik kundi sa pagsasagawa ng programa at misa.
Alas-12:00 ng hatinggabi ng Enero 7 ang opisyal na simula ng pahalik pero ayon sa pamunuan ng Simbahan ng Quiapo, maaari itong isagawa nang mas maaga. Ito’y kung may mga deboto na maagang pipila matapos ang misa para sa volunteers dakong alas-6:00 ng gabi. (JOCELYN DOMENDEN)
145
