INANUNSYO ng Civil Service Commission (CSC) na may 46,470 indibidwal, o 14.57% ng kabuuang examinees, ang nakapasa sa Career Service Examination-Pen and Paper Test (CSE-PPT) isinagawa noong Marso 2 sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa mga matagumpay sa pagsusulit, 42,472 ang nakakuha ng Professional eligibility, habang 3,998 ang nakakuha ng Subprofessional eligibility, dahilan para maging kwalipikado ang mga ito para sa permanent appointment sa government positions, iyon lamang dapat ay ma-meet ng mga ito ang kinakailangang edukasyon, karanasan, pagsasanay at iba pang pamantayan ng kakayahan.
Sa kabilang dako, ang professional level exam ay mayroong 287,250 takers, nagresulta ng 14.79% passing rate, habang 3,998 mula sa 31,727 examinees ang nakapasa sa Subprofessional level, sumasalamin sa 12.60% passing rate ayon sa CSC.
Nakapagtala naman ang National Capital Region (NCR) ng pinakamataas na passing rate na 19.73%, na mayroong 9,139 passers mula sa 46,312 examinees. Sinundan ito ng Region V (Bicol Region) – 19.30% (2,585 passers mula sa bilang na 13,397); Region IV-A (CALABARZON) – 18.75%; Region II (Cagayan Valley) – 17.74%; at Cordillera Administrative Region – 15.54%.
Ang kumpletong listahan ng mga pumasa ay maaaring ma- accessed sa pamamagitan ng CSC website.
Simula naman sa May 17, sinabi ng CSC na maaaring i-check at makuha ng examinees ang kanilang individual ratings sa pamamagitan ng Online Civil Service Examination Result Generation System (OCSERGS) , matatagpuan din sa CSC website.
Nilinaw ng ahensya na walang ‘individual result reports’ ang ipadadala sa pamamagitan ng sulat o liham.
Pinaalalahanan naman ng CSC ang publiko na ang lahat ng exam results ay ‘final at non-reviewable.’
“The Commission does not conduct rechecking or apply rounding adjustments to any civil service examination results,” ang sinabi ng CSC.
Samantala, inanunsyo ng CSC na ang susunod na CSE-PPT para sa Professional at Subprofessional level ay nakatakda sa August 10, 2025.
Tatanggapin ang mga aplikasyon mula May 13 hanggang June 11, 2025, sa tinatawag na ‘first-come, first-served basis.’
Ang pagsusuri ay pangangasiwaan sa 95 testing centers sa buong bansa.
Ang mga aplikante ay pinayuhan na makipag-ugnayan sa kani-kanilang CSC Regional or Field Offices para kumpirmahin ang filing procedures at application modes.’
Upang maging kwalipikado, ang aplikante ay dapat na isang Filipino citizen, 18 taong gulang sa petsa ng paghahain, mayroong good moral character, walang conviction o paghatol ng final judgment para sa krimen na may kinalaman sa ‘moral turpitude o kaugnay na pagkakasala, hindi pa inalis o sinibak sa tungkulin para sa anumang dahilan mula sa anumang posisyon sa gobyerno, hindi pa nakakuha ng kaparehong antas ng CSE (PPT o Computerized) mula May 10 hanggang August 9, 2025.
Inulit naman ng CSC na hindi ito nagsasagawa o nag-eendorso ng review classes o review materials.
(CHRISTIAN DALE)
