(NI BERNARD TAGUINOD)
HINDI lang 63,000 ang mga Chinese nationals na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa Pilipinas kundi aabot umano ang mga ito sa 120,000 at higit sa kalahati ay iligal na nakapagtatrabaho sa bansa.
Ito ang nagtulak kina House minority leader Benny Abante, Citizens’ Battle Against Corruption (CIBAC) Party-list Rep. Eduardo ‘Bro. Eddie’ Villanueva, Muntinlupa Rep. Rozzano Rufino Biazon, at Manila 1st District Rep. Manuel Luis Lopez para hilingin sa Kongreso na imbestigahan na ang POGO operations sa bansa.
Sa ilalim ng kanilang House Resolution (HR) 337, sinabi ng mga nabanggit na mambabatas na hindi lang ang mga iligal na Chinese workers sa POGO ang usapin dito kundi ang harap-harapang pagbabalewala sa batas ng Pilipinas ng mga dayuhang ito.
“Department of Labor (DOLE) data shows that there are 63,855 documented foreign nationals working in the POGO industry. But there are some estimates that peg the number at 120,000, and until today the government is still reconciling its data,” ani Abante.
Dahil dito, malamang na kalahati sa mga POGO workers na pawang mga Chinese nationals ang ilegal na nagtatrabaho sa bansa na isang paglabag sa labor code ng bansa.
Maliban dito, nabalewala din umano ang batas sa pagbubuwis lalo na ang Section 25, 1997 National Internal Revenue Code, dahil malamang na hindi nagbabayad ang mga ilegal workers na ito ng personal income tax.
“The fact that we cannot even accurately account for these workers is troubling. If we have problems with regard to their documentation, then we will definitely have issues properly determining revenue collection,” ayon pa kay Abante.
Nasasalaula din umano ang mga Immigration law ng Pilipinas dahil nakakapagtrabaho ang mga dayuhang ito sa bansa na walang kaukulang permit na hindi makatarungan sa mga Filipino na nagtatrabaho sa ibang bansa na sumusunod sa batas ng bansang pinatatrabuhan ng mga ito.
Nakababahala rin umano na ang mga POGO hubs na ito ay nakatayo malapit sa Camp Aguinaldo, Philippine National Police headquarters sa Camp Crame, Air Force headquarters sa Pasay City, Philippine Army headquarters sa Taguig City, Philippine Navy headquarters sa Roxas Boulevard at Sangley Point sa Cavite.
“What kind of possible threats do these POGO hubs near our defense installations represent? These and other concerns are what we want to address in an inquiry,” ayon pa kay Abante.
528