HIGIT 6K BATA NAPABAKUNAHAN NA NG RED CROSS

bakuna22

(NI KEVIN COLLANTES)

INIANUNSIYO ng Philippine Red Cross (PRC) na umaabot na sa mahigit 6,000 bata ang napagkalooban nila ng bakuna laban sa tigdas, sa ilalim ng kanilang inilunsad na vaccination drive.

Ayon sa PRC, na pinamumunuan ni Chairman at Senador Richard Gordon, layunin ng kanilang vaccination drive na mabigyan ng proteksiyon ang mga kabataan laban sa tigdas, lalo na at mataas pa rin ang banta ng sakit, kasunod na rin ng deklarasyon ng outbreak sa iba’t ibang rehiyon sa bansa, kabilang ang Metro Manila.

Simula aniya nang ilunsad nila ang kanilang vaccination drive ay umabot na sa kabuuang 6,039 bata ang kanilang nabigyan ng bakuna laban sa tigdas.

Bukod dito, namahagi rin sila ng mga hot meals sa may 7,255 indibidwal, at nagkaloob ng psychosocial support sa may 332 katao.

Umapela naman si Gordon na iwasan na ang pananakot at sa halip ay bigyan ng sapat na kaalaman ang mga mamamayan sa kahalagahan ng pagpapabakuna.

“Let’s stop the scare, but rather educate the parents, families, and communities on the importance of vaccination for our children’s sake. Labanan ang tigdas. Bakuna na!” ayon kay Gordon.

Nabatid na ang vaccination drive ng PRC ay isinasagawa sa pakikipagtulungan sa International Federation of Red Cross and Red Crescent Societies, Department of Health, at City Health Office ng Maynila.

“May budget ang gobyerno para mabakunahan ang mga bata nang LIBRE. Kailangan nang kumilos ang mga magulang. Mahal natin ang ating mga anak kaya pabakunahan natin sila. Ang coverage ng Expanded Program on Immunization ay subok na,” pahayag pa ni Gordon.

130

Related posts

Leave a Comment