PUNA ni JOEL O. AMONGO
MAPIPILITAN ngayong “maghigpit ng sinturon” ang mga Pilipino dahil sa dobleng dagok na dulot ng korupsyon sa pamahalaan at giyera sa Middle East.
Kung hindi sana ninakaw ang mahigit sa isang trilyong pisong mula sa kaban ng bayan simula noong 2022 hanggang 2025, mayroon sanang paghuhugutan ang gobyerno para sa pangangailangan ng mamamayan.
Ang hindi pa katanggap-tanggap na pangyayari ay ang mga nagnakaw ng pera ng mga Pilipino ay pawang mga opisyal pa gobyerno na hanggang ngayon ay hindi napapanagot.
Sila ang dapat na nangangalaga o gumagawa ng mabuti para magamit nang tama ang pondo ng pamahalaan, ngunit sila pa ang nagmaniobra para maibulsa nila ito.
Ngayon, dahil mga matataas na opisyal ng gobyerno ang inaakusahang nagnakaw ng pera ng publiko, at sila pa ang nag-iimbestiga, paanong magtitiwala ang mga Pilipino na may mapapanagot sa kanila?
Ayan, pumutok na ang giyera sa Middle East, apektado ang overseas Filipino workers (OFWs). Saan kukuha ng pondo ang gobyerno para mapauwi sila?
Base sa aking pagkakaalam, umaabot sa mahigit kumulang sa dalawang milyon ang OFWs natin sa Middle East. ‘Pag lumala pa ang giyera sa pagitan ng Israel, Amerika at Iran, kung hindi sila mapapauwi ay maiipit sila sa gulo. Kawawa naman sila.
Nalagasan na tayo ng isang kababayan sa Israel nang tamaan ang kanilang tirahan ng bomba ng Iran. ‘Wag na nating hintayin na madagdagan pa.
‘Pag napauwi naman silang lahat, tambay sila rito sa bansa, dagdag na naman sila sa nasa mahigit dalawang milyong tambay sa Pinas.
Ngayon ay nagbabadya ang pagtaas ng pamasahe na inaasahang magkakaroon ng dalawang pisong dagdag.
Tumaas na rin ang presyo ng bigas na dati ang 25 kilos na isang sako ay nagkakahalaga lamang ng P1,300 (Jasmine Rice), ngayon ay nasa P1,450, tumaas ng P150 kada sako. Wala naman taas sa sweldo.
Sunod-sunod na ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, kaakibat niyan ang hindi maiwasang pagsirit ng presyo ng mga bilihin. Paano na si Juan dela Cruz?
Sa kabila ng malaking problema na ito ay tila kalmado lang ang mga mambabatas sa kanilang pamumulitika, lalo sa pagtutok sa impeachment laban kay Vice President Inday Sara Duterte.
Wala namang kinalaman sa kumakalam na sikmura ng mamamayan ang impeachment na iyan sa pangalawang pangulo.
Wala sa kanila ang malasakit sa taumbayan, kundi pansariling interes na ang kanilang iniisip para sa kani-kanilang mga pamilya.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45gmail.com
90 