MULING hiniling kahapon ng Federation of Free Workers (FFW) kay Labor Secretary Silvestre Bello III na ibigay sa mga sahurang manggagawa ang P5,000 hanggang P8,000 ipinangako ng kalihim noong unang linggo pa lamang ng “enhanced community quarantine” (ECQ).
Sa kanilang press statement na ipinadala sa Saksi Ngayon, sinabi ni Atty. Jose Sonny Matula, pangulo ng FFW, na umaasa sila na ibibigay pa rin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang tig-P5,000 hanggang P8,000 ayudang pinansiyal nito sa mga sahurang manggagawang nawalan o natigil ang mga trabaho dulot ng ECQ o “total lockdown” sa Luzon.
Dahil sa ECQ, milyun-milyong manggagawa ang nawalan ng sahod dahil nagsara ang kani-kanilang kumpanya.
Nagsimula ang ECQ noong Marso 17 kung saan pinalawig ni Pangulong Rodrigo Duterte hanggang Abril 30 mula sa orihinal na pagtatapos nito noong Abril 12.
Layunin ng ECQ na sugpuin ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga Filipino na nagkakaroon ng coronavirus disease – 2019 (COVID – 19).
Upang magkaroon ng perang panggastos ang mga manggagawa sa panahong walang sahod, naglabas ng COVID – 19 Adjustment Measure Program o CAMP ang DOLE kung saan P5,000 hanggang P8,000 ang ibibigay nito sa mga sahurang manggagawa o mga manggagawang mayroong kontrata sa isang kumpanya bilang regular o kontraktuwal.
Ilang araw na ang nakalipas, inanunsiyo ni Bello na naglabas na ang DOLE ng P900 milyon para sa 180,000 manggagawa mula sa mahigit 3.4 milyong manggagawa mula Luzon hanggang Mindanao na nawalan o nasuspinde ang trabaho.
Sabi ni Bello, hindi na kayang mabigyan ang lahat sa mahigit 3.4 milyong manggagawa, dahilan upang ipasara ang CAMP.
Ngunit, ipinaalala ni Matula kay Bello na naglabas muli ng karagdagang P2.5 bilyon ang Department of Budget and Management (DBM) para sa CAMP.
Kaya, muling nanawagan ang pinuno ng FFW kay Bello na bigyan ang mga sahurang manggagawa ng tig-P5,000 hanggang P8,00 bawat isa.
Sa 80,000 kasapian ng FFW sa maraming panig ng bansa, dalawang kumpanya pa lamang ang nabibigyan ng DOLE sa Laguna na wala pa sa 100 manggagawa ang nakinabang, pahayag ni Matula.
Sa 40 kumpanya sa National Capital Region (NCR) na ang mga unyon ay kasapi sa FFW ay wala pang natatanggap na tig-P5,000 mula sa CAMP ng DOLE.
Pinaniniwalaan sa kilusang paggagawa na huling pondo ng CAMP ang P2.5 bilyong inihatag ng DBM sa DOLE.
Naglabas na ang DBM ng P51 bilyong pondo para sa panibagong ideya ng Department of Finance (DOF) ang programang “Small Business Wage Subsidy (SBWS)” na pakikinabangan ng 1.6 milyong manggagawa nagtatrabaho sa tinatawag na “micro, small and medium enterprises (MSMEs).”
Bawat isa sa mga 1.6 milyong manggagawa ay makatatanggap ng P5,000.
Hindi pabor ang FFW dito, sapagkat hindi mabibigyan ng ayudang pinansiyal ang mga manggagawa sa malalaking kumpanya na nagsara dahil sa ECQ, ratsada ni Matula.
Umabot na sa P205 bilyon ang kabuuang nailabas ng DBM sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang pagtalima sa Social Amelioration Program (SAP) na isinilang nang maging batas ang “Bayanihan to Heal as One” noong Marso 24.
Nakasaad sa Bayanihan Law, tig-lilimang libo hanggang tig-wawalong libo ang tatanggapin ng bawat mahihirap na pamilya sa 18 milyong mga sobrang mahihirap na pamilya mula Luzon hanggang Mindanao ngayong Abril.
Iba pa ang parehong halagang matatanggap nila sa Mayo. NELSON S. BADILLA
263 