Hinamon ng debate ni Defensor TAÑADA UMEEPAL SA SINAPIT NG ABS-CBN

HUWAG kumuda ang walang ginawa.

Tila ganito ang nais ipahiwatig ng ilang miyembro ng mababang kapulungan ng Kongreso na tumaas ang kilay kay dating Quezon 4th District Congressman Erin Tañada sa pagsawsaw nito sa isyu ng prangkisa ng ABS-CBN na hindi inaprubahan dahil sa mga paglabag sa batas.

Isa si Tañada sa mga politiko at miyembro ng Liberal Party (LP) na aktibo sa mga pagkilos tulad ng noise barrage para suportahan ang ABS-CBN at binabatikos ang mga mambabatas na bumoto ng pabor sa pagkitil sa prangkisa ng nasabing network.

Hindi maiwasan ng ilang mambabatas na pagdudahan ang ‘motibo’ ni Tañada lalo na’t kabilang umano ito sa mga nais ng LP na isama sa kanilang senatorial line-up sa 2022 election.

“Parang gusto niyang maging relevant at magkaroon ng name recall dahil kasama daw siya sa senatorial line-up ng LP sa 2022,” opinyon ng mambabatas na hindi na nagpabanggit ng pangalan.

Hindi naman umano masisisi si Tañada na suportahan ang ABS-CBN dahil abogado ng mga Lopez ang kanyang amang si dating Sen. Lorenzo Tañada Jr.

Lumabas sa joint hearing ng House committee on legislative franchise at committee on good government and public accountability na ang matandang Tañada ang sumulat sa bagong tatag na

Presidential Commission on Good Government (PCGG) noong 1986 para ibalik sa kanyang mga kliyente (Lopez) ang ABS-CBN matapos ang EDSA Revolution.

“Parang nagkaroon siya ng room sa ABS-CBN (issue) para paingayin ang pangalan niya,” ayon pa sa source ng SAKSI Ngayon na lalong nagpapaduda sa kanya dahil noong namamayagpag pa sa kapangyarihan ang LP ay wala itong ginawa para isulong ang prangkisa ng nasabing network.

Ayon sa impormante, kung talagang may pagpapahalaga umano si Tañada sa ABS-CBN ay ini-lobby sana nito ang prangkisa ng network noong panahon ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Bagama’t hindi na miyembro ng Kamara si Tañada noong 16th Congress nang ihain ni dating House deputy speaker Giorgiddi Aggabao ang House Bill (HB) 4997 para sa panibagong 25 taong prangkisa ng ABS-CBN, ay aktibo pa rin ito sa kanyang partido.

“Dapat nag-lobby siya sa kanyang [political] party para aprubahan ang bill ni Congressman Aggabao [ng Isabela] pero wala siyang ginawa tapos ngayon nagngangawa siya,” komento pa ng source.

Samantala, hinamon ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor si Tañada ng isang public debate sa isyu ng ABS-CBN dahil hindi umano nito makakadebate ang dating mambabatas sa plenaryo ng Kamara.

“I note that my former colleague and chairman in the NUSP (National Union of Students in the Philippines) @erintanada has been openly attacking me on the ABS-CBN issue,” ayon sa tweet ni Defensor.

“To be fair, since he is not in Congress to debate me in plenary, I invite him to debate publicly, on the issues as regards the franchise,” dagdag pa ng vice chairman ng dalawang komite na nag-imbestiga sa ABS-CBN franchise.

Isa si Defensor sa mga mambabatas na aktibong gumisa sa mga opisyales ng ABS-CBN hinggil sa paglabag ng mga ito, hindi lamang sa kanilang prangkisa kundi sa saligang batas.

Nang matalo ang prangkisa ng ABS-CBN, kabilang si Defensor sa mga pinuntirya ni Tañada sa social media kaya nais ng Anakalusagan party-list congressman na magdebate na lamang ang mga ito sa publiko para malinawan ang dating mambabatas sa mga pagkakasala ng nasabing network. (BERNARD TAGUINOD)

91

Related posts

Leave a Comment