GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN
MAY mga bagay na hindi mo basta maipagkikibit-balikat, kahit ilang beses mo pang subukang i-scroll palayo. Isa na rito ang video na kumalat kamakailan kung saan makikitang inilalagay ng ilang kabataan ang isang pusa sa loob ng sako, iniikot ito, at saka sinisipa. Sinasabing buntis ang pusa.
Napansin muna ito ng isang Reddit user bago tuluyang kumalat sa ibang plataporma, at agad itong umani ng galit mula sa mga nakakita.
Hindi ko na kailangang tapusin ang video para maintindihan ang nangyayari, dahil sa simula pa lang ay lantad na ang kalupitan. Walang kalituhan sa eksena at wala ring pagtatangkang itago ito. Mas mabigat pa rito ang paraan kung paano ito ginawa, na tila ba normal lang at walang iniisip na mali.
Hindi rin ito simpleng isyu na pwedeng ipasa bilang biro o kapalpakan. May malinaw na batas laban dito. Sa ilalim ng Animal Welfare Act, pinarurusahan ang anomang uri ng pang-aabuso sa hayop, mula sa pananakit hanggang sa kapabayaan o pagpatay nang walang sapat na dahilan. Umiiral ang batas na ito dahil hindi kayang ipagtanggol ng mga hayop ang kanilang sarili, kaya nakasalalay sa tao ang kanilang kaligtasan.
Kasabay nito, hindi rin maikakaila ang papel ng taong nag-record ng video. Sa halip na pigilan ang nangyayari, pinili niyang kunan ito. Sa ganitong paraan, ang isang malinaw na akto ng karahasan ay nagiging content na pwedeng i-share at pag-usapan. Unti-unting nawawala ang bigat ng ginawa at napapalitan ito ng pansin na nakukuha online.
Dito pumapasok ang mas malawak na papel ng social media. Bagama’t may mga patakaran laban sa marahas na content, patuloy pa ring nakapapasok ang ganitong mga video sa publiko. At sa oras na kumilos ang mga plataporma, huli na ang lahat dahil kumalat na ang clip at marami na ang nakapanood.
May mga nagsasabing kabataan lamang ang mga sangkot at hindi nila lubos na nauunawaan ang kanilang ginagawa. Ngunit mahirap tanggapin iyon. May malinaw na hangganan ang pagiging inosente at ang sadyang pananakit. Ang nangyari sa video ay hindi aksidente kundi isang desisyon, at ang ganitong mga desisyon ay may kaakibat na pananagutan.
Gayunpaman, mahalaga ring tanungin kung saan nagsisimula ang ganitong asal.
Nahuhubog ang tao sa kapaligiran at sa mga bagay na paulit-ulit niyang nakikita. Kapag nasasanay sa karahasan, maging sa totoong buhay man o online, nagiging mas madali itong gawin. Hindi nito binabawasan ang bigat ng ginawa, pero ipinakikita nito na may mas malalim na suliranin sa likod nito.
Kung may isang bagay na malinaw, ito ay ang kahalagahan ng pagsasalita. Kumalat ang isyu dahil may nagbahagi at may mga tumugon. Ipinakita ng reaksyon ng publiko na may mga taong handang kondenahin ang ganitong uri ng kalupitan.
Hindi lang ito usapin ng isang video na nag-viral. Usapin ito ng kung ano ang pinipili nating palampasin, kung ano ang hinahayaan nating maging normal, at kung paano natin ipinagtatanggol ang mga nilalang na walang kakayahang ipagtanggol ang kanilang sarili.
26 