HINDI LAHAT NG PAGKATALO AY KASALANAN

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

PAULIT-ULIT kong pinanood ang video, umaasang mali lang ang una kong nakita. Isang simpleng pushbike race ito para sa mga bata, isang aktibidad na karaniwang puno ng tawanan, hiyawan, at mga magulang na tuwang-tuwang kumukuha ng video. Pero sa halip na saya, isang nakabibigat na eksena ang bumungad. Sa kuhang video ng netizen na si Shiela Mae na mabilis kumalat online, makikitang hinampas ng isang ama ang kanyang anak matapos itong matalo sa karera. Dahil sa lakas ng palo, natumba ang bata kasama ang kanyang bisikleta. Agad siyang tumayo, at pagkatapos ay umalis silang mag-ama na parang walang nangyari.

Kinilala ng mga netizen ang ama bilang si Michael Khim Gracia, habang ang bata ay tinawag na si Nicole sa mga online post. Ang impormasyong ito ay lumitaw sa mga comment section at diskusyon sa iba’t ibang platform, kabilang ang Reddit. Hindi ang karera ang naging sentro ng usapan, kundi ang naging reaksyon ng magulang. Isang kilos na nangyari sa harap ng maraming tao at malinaw na nakita ng lahat.

Mahalagang linawin na ang ina ay wala sa mismong video. Hindi siya makikita sa eksena at wala siya sa lugar nang mangyari ang insidente. Gayunpaman, matapos kumalat ang video, ipinagtanggol niya ang ama online. Ayon sa kanya, hindi raw ganito ang kanyang asawa sa pribado at tila pinalalabas na mali ang naging pagbasa ng publiko sa sitwasyon. Sa halip na humupa ang galit ng mga netizen, mas lalo itong umigting dahil sa depensang iyon.

Ang pinaka-nakabahala para sa akin ay kung gaano kabilis bumalik sa normal ang lahat. Tumayo agad ang bata. Walang bakas ng pag-aalala, walang pagyakap, walang sandaling pag-alam kung nasaktan ba siya. Ang ganitong kilos ay nag-iwan ng tanong sa isipan ng maraming nanood. Bagama’t totoo na isang maikling video lamang ito at hindi nito maipakikita ang buong kwento ng isang pamilya, malinaw pa rin ang isang bagay. Isang bata ang sinaktan matapos matalo sa isang laro.

Ang pushbike race ay hindi dapat sukatan ng tagumpay o pagkabigo ng isang bata. Layunin nito ang kasiyahan, pagsubok ng kakayahan, at pagbuo ng kumpiyansa. Ang pagkatalo ay bahagi ng paglaki. Walang batang gustong matalo, at lalong walang batang dapat parusahan dahil lang hindi siya nanalo. Sa sandaling iyon, sapat na ang bigat ng pagkadismaya na nararamdaman ng bata. Ang galit at pananakit ay hindi kailanman makatutulong.

Maraming netizen ang nanawagan na dapat itong tingnan ng mga ahensyang may tungkulin sa kapakanan ng mga bata. Ang Department of Social Welfare and Development ang humahawak sa mga ganitong usapin, lalo na kung may posibilidad ng pang-aabuso o hindi tamang pagtrato. Ang counseling at anger management ay hindi parusa kundi tulong, lalo na kung ang layunin ay protektahan ang bata at ayusin ang dinamika ng pamilya.

Bilang magulang, tayo ang unang huwaran ng mga bata. Sa bawat kilos natin, may aral silang napupulot. Kapag ang galit ay nauuwi sa pananakit, ang natutunan ng bata ay takot, hindi disiplina. Ang mensaheng iyon ay maaaring magtagal at makaapekto sa kanyang tiwala sa sarili at sa ibang tao.

Maraming paraan para ilabas ang frustration. Puwedeng tumahimik, lumayo muna, o huminga nang malalim. Ang pananakit, pisikal man o emosyonal, ay hindi kailanman tama. Panalo man o talo, ang isang bata ay dapat makaramdam ng ligtas at suportadong tahanan. Ang ama ay dapat nagtuturo ng sportsmanship, hindi ng takot.

107

Related posts

Leave a Comment