ELECTED OFFICIALS NUMERO UNONG LAW BREAKER

DPA ni BERNARD TAGUINOD

KAILANGAN na sigurong gumawa ng batas ang Kongreso para matigil na ang panggagago ng mga elected official lalo na ang mga congressman pagdating sa pag-divert ng kanilang business interest.

Kailangang malinaw ang gagawing batas at walang butas para hindi paglaruan ng elected officials na ginagamit ang kanilang posisyon para magnegosyo o kumuha ng negosyo sa gobyerno.

Nakagagago kasi ang ginagawa ng maraming mambabatas na kunwari ay wala na silang interest sa construction company na sila ang nagtayo dahil nag-divert na sila mula nang sila ay mahalal sa puwesto.

Ipinaalis lang nila ang kanilang pangalan sa kumpanya pero inilipat sa kanyang pamilya na kasama niya sa bahay, ang pamamahala sa kumpanya tapos sasabihin nila sa atin na nag-divert na sila? Panggagago ‘di ba?

Gusto nilang maniwala tayo sa kanila na wala silang kasalanan kung nakakuha ang kanilang kumpanya ng malalaking kontrata sa gobyerno kapag nakukuwestiyon na ang kanilang conflict of interest.

Ipinalalabas ng mga congtractor na wala silang pakinabang sa kita ng kumpanyang ipinamahala nila sa kanilang mga anak o asawa habang sila ay nasa puwesto pero magkakasama ang mga ito sa iisang bahay.

Malinaw sa saligang batas at maging sa Republic Act (RA) 6713, o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, ang pagbabawal sa public officials na magkaroon ng financial interest sa government contract at iba pang negosyo dahil conflict ito sa kanilang trabaho.

Pero walang kuwenta ang batas na ito dahil harap-harapang nilalabag ng mga politiko, na ang tunay na pakay o misyon ay magnegosyo sa gobyerno imbes na magsilbi sa bayan upang palakihin pa ang kanilang negosyo.

Kung hindi man lahat, kung karamihan sa mga tinaguriang congtractor ay walang nagawang batas para sa bayan habang sila ay nasa Kongreso, nangangahulugan lang na pagnenegosyo ang pangunahing dahilan kaya sila pumasok sa pulitika at hindi para gumawa ng batas.

Kaya dapat nang amyendahan ang batas na ito kung talagang nais ng Kongreso na magkaroon ng tunay na reporma sa pulitika para hindi makapasok sa gobyerno ang mga negosyante na hindi public service ang ginagawa kundi magnegosyo.

Ipinagmamalaki rin ng mga mokong na ito sa kanilang mga constituent na marami silang naiuwing proyekto sa kanilang distrito na nilalagyan pa nila ng kanilang pangalan kapag natapos na pero ang hindi alam ng mga tao, kumita sila sa mga proyektong ito.

Kailangan nang kalusin ang mga congressman na ito para matigil na ang kanilang panggagago sa taumbayan.

82

Related posts

Leave a Comment