HINDI LANG BASTA KAALYADO

KASABAY ng pagbaba sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo 30 ng kasalukuyang taon ang hudyat ng bagong liderato sa kumpas ni incoming President Ferdinand Marcos Jr. sa bisa ng 31 milyong boto nitong nakaraang 2022 presidential election.

Bagamat nakapagtalaga na si Marcos J. ng mga miyembro ng kanyang gabinete, mayroon pa rin ­namang mga tanggapang bakante. Sa 22 departamento, anim pa ang wala pang nominado – ang Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Health (DOH), Department of Science and Technology (DOST), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at Department of Energy.

Ang totoo, lubhang mahalaga para sa susunod na Pangulo na makapili ng tamang tao sa naturang mga departamentong nakikitang sandigan ng kinabukasan ng halos 110 milyong Pilipino.

Sa kanyang hihiranging DFA secretary nakasalalay ang taktikang diplomasyang giit ni Marcos Jr. kaugnay ng masalimuot na usapin sa West Philippine Sea. Aniya, hindi niya pahihintulutan ang Tsina – at iba pang bansang sakupin kahit isang metro kwadrado ng ­ating teritoryo. Gayunpaman, nilinaw niyang diplomasya ang gagamitin taktika sa proseso ng paggigiit ng ating soberanya.

Sa bagong DOH secretary naman nakasalalay ang kaligtasan at kalusugan ng mga Pilipino lalo pa’t nakaumang na naman ang peligro dala ng karamdamang perwisyo. Sa susunod na Health secretary rin ipagkakatiwala ni Marcos Jr. ang paglilinis ng bahid na iiwan ng patapos na liderato.

Kalakip naman ng isang mahusay na DOST secretary ang pagsusulong ng makabagong teknolohiyang bibida sa mga henyong Pilipino sa pandaig­digang entablado, kasabay ng panunumbalik ng sigla ng ekonomiya sa ating arkipelago.

Sa gitna ng hayagang pambabalahura sa inang kalikasan ng mga negosyanteng gahaman, isang tunay na tagapagtanggol ng kalikasan ang hanap ni Marcos Jr. para sa DENR na mistulang bulag, pipi at bingi sa mga nagaganap na pagsira ng ating anyong tubig kasama na ang ilog, sapa, karagatan, kabundukan at nalalabing kagubatan.

Direktibang zero-squatter naman ang nais ng susunod na Pangulo na isulong ng bagong kalihim ng DHSUD. Para kay Marcos Jr., Karapatan ng bawat Pilipino na magkaroon ng sariling bahay sa bansang kinalakihan nito. Paano? Ibabasura ang komplikadong proseso para bigyang daan ang mas payak na sistemang magbibigay daan sa mabilis at malawakang socialized housing program.

Sa gitna ng lumalalang krisis sa langis at manipis na supply ng kuryente,enerhiyang sapat at abot-kaya naman ang hanap ng susunod na administrasyon sa DOE, bagay na posible lamang kung makauupo sa pwesto ang tamang tao – ‘yung eksperto, at hindi lang basta kaalyado.

(EDITORIAL)

138

Related posts

Leave a Comment