PARA sa proteksyon ng mga kalahok at manonood ng mga liga, ipinanukala ng dating basketbolista at coach na si Quezon City Rep. Franz Pumaren na isailalim sa mental at physical test ang mga manlalaro.
Sa kanyang privilege speech kasunod ng pagwawala at pananakit ng player ng Jose Rizal University Heavy Bombers na si John Amores, sinabi ng mambabatas na panahon na para isailalim ang mga player sa nasabing pagsusuri bago paglaruin sa anomang liga.
“Huwag na natin antayin pa na mangyari ito sa ibang liga. Dapat ang bawat miyembro din na sasali sa isang liga ay sumailalim din sa isang mental and physical health check-up, dapat meron silang clearance sa kanilang doctor na sila ay mentally and physically fit to play these games,” ani Pumaren.
Ayon sa mambabatas, ang walang habas na panununtok ni Amores sa mga player ng De La Salle-College of Saint Benilde noong November 8 sa FilOil Arena, San Juan City, ay ikatlong beses na.
Una aniya rito ang panununtok ni Amores sa UP player na si Mark Belmonte noong July 26 sa Universities and Colleges Basketball League (UCBL)
Invitational Tournament at sangkot din umano ito sa gulo sa pagitan ng JRU at Letran Knights noong Setyembre 14.
“If walang clearance mula sa kanilang mga doktor na sila ay mentally at physically fit na maglaro sa game, dapat hindi na sila palaruin. Dapat ang mga coaches ay hikayatin ang kanilang mga players na magpatingin o kumausap ng isang life coach kung nakakaramdam ng pressure o kung sino man ang maaaring makatulong sa kanila,” dagdag pa ng mambabatas.
Kinastigo rin ng mambabatas ang mga opisyales ng Heavy Bombers dahil sa kawalan aniya ng aksyon sa inasal ng kanilang mga manlalaro pagkatapos manuntok ni Amores.
Sa isang video, makikita na may ilang JRU players ang nagsasayaw subalit hinayaan at dinadaanan lamang ng kanilang opisyales.
“It is very disturbing how the school officials or coaches of JRU did not even stop them from doing this. Were they proud of what their teammate did to the point that they were dancing as if it was not a grave matter? Is this how they discipline their players? It is such a shame if this is how they train and discipline their players,” tanong pa ni Pumaren.
Nauna nang inirekomenda ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang pagsalang sa drug test ng collegiate athletes. (BERNARD TAGUINOD)
