NANINIWALA ang ilang senador na malinaw na ang pagkakaugnay ng mga mambabatas sa People’s Initiative sa kabila ng paulit-ulit na pagtanggi ng ilang kongresista na sila ang pasimuno ng pangangalap ng lagda.
Ayon kay Senador Francis Chiz Escudero, bagama’t inamin na rin ni House Speaker Martin Romualdez na nagsilbi lamang siyang facilitator, kinumpirma na rin ni Noel Oñate, lead convenor ng PIRMA na lumapit siya sa mga kongresista upang hingin ang kanilang tulong sa pangangalap ng lagda.
Ipinaliwanag pa ni Escudero na bagamat walang malinaw na perang inilabas, ang pahayag ng mga testigo na pinangakuan sila ng ayuda tulad ng AICS at TUPAD ay sapat na upang masabing nagamit ang pondo ng taumbayan sa PI.
Kinontra naman ni Senador Ronald Bato dela Rosa ang pahayag ng ilang kongresista na pag-aaksaya lamang ng panahon ang pagdinig nila kaugnay sa PI.
Iginiit ni dela Rosa na nabigyang-linaw sa mga pagdinig ang tunay na kwento sa PI at maging ang publiko ay naliwanagan sa kanilang mga nilalagdaan.
Pabor naman si dela Rosa na itigil na ang hearings lalo na kung hindi pa rin nakababalik sa bansa si Atty. Anthony Abad dahil may mga natukoy na silang konklusyon at maaari nang makabuo ng rekomendasyon.
Ang pangalan ni Abad ay lumutang sa mga pinalagdaang forms para sa PI kaya’t nais siyang paharapin ng komite sa pagdinig.
(DANG SAMSON-GARCIA)
161