HINDI na muling maiisahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga Filipino dahil bibiguin ng mga ito ang plano ng huli na manatili sa puwesto sa pamamagitan ng pagtakbo sa 2022 vice presidential race.
Ito ang pahayag ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite matapos sabihin ni Duterte na ibilang o ikonsidera na siya bilang vice presidential candidate sa susunod na halalan.
Ayon sa mambabatas, malinaw na ang layunin ng pagtakbo ni Duterte bilang bise presidente ay upang matakasan ang mga kasong naghihintay sa kanya, laluna na ang imbestigasyon ng International Criminal Court sa kanyang madugong War On Drugs.
“Malinaw yan sa madla, at sa tingin ko’y hindi sila papayag na magtagumpay itong plano ni Duterte na takasan ang kanyang pananagutan sa sambayanan,” ayon kay Gaite.
Hindi na rin umano maatim ng sambayanang Filipino ang patuloy na kapalpakan ng gobyerno ni Duterte sa pagtugon sa problema ng pandemya sa COVID-19, patuloy na patayan at katiwalian at lalo na ang pagiging ‘puppet” umano nito sa China sa usapin ng West Philippine Sea.
“So ultimately, we expect that there would be a strong rejection of another 6-yrs of Duterte in power,” dagdag pa ng solon.
Uhaw pa sa dugo
Sa panig naman ng Kabataan party-list na kinakatawan ni Rep. Sarah Elago, mistulang uhaw pa aniya sa dugo at kapangyarihan si Duterte kaya ayaw niyang mawala sa Malacañang.
“Uhaw sa dugo, uhaw sa kapangyarihan. Hindi pa nakuntento sa limang taon ng pagpatay, pagpapahirap at pagpapabaya sa taumbayan,” paniniwala ng grupo ni Elago.
Mula nang maging pangulo si Duterte, umaabot umano sa 30,000 ang napatay sa giyera kontra ilegal na droga o ang Oplan Tokhang na sinimulan sa Davao City noong mayor pa ito at dinala sa buong bansa nang maging pangulo noong 2016.
Sa nasabing bilang, mahigit kumulang sa 6,000 umano ang napatay ng mga pulis sa kanilang anti-drug operations kung saan pawang nanlaban ang dahilan ng pagkamatay ng mga biktima habang ang 24,000 ay pinatay naman ng riding in tandem.
Bukod ito sa mga aktibista at magsasaka na inakusahang rebelde at pinatay umano ng security forces sa ilalim ng pamumuno ni Duterte sa nakaraang 5 taon.
Imbes mag-resign, tatakbo?
“Akala ko ba magre-resign ang pangulo ‘pag bigo ang 3-6 months na pangako? Akala ko ba ay pagod na siya sa trabaho? Ngayon naman ay bigla siyang may interes sa pagka-bise presidente,” ayon naman kay Rep. Manuel Cabochan III.
Magugunita na ilang ulit sinabi ni Duterte, hindi lamang sa panahon ng kampanya noong 2016 kundi maging nang manalo na ito na magre-resign siya kapag hindi naresolba ang isang problema sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan. Kasama na rito ang problema sa ilegal na droga, trapik sa Edsa, ENDO o end of contract scheme ng mga negosyante at katiwalian sa pamahalaan.
May pagkakataon din na nagsabi si Duterte na pagod na ito sa trabaho dahil sa dami ng problema ng bansa subalit ngayon ay tila hindi pa umano ito kuntento sa anim na taon nito bilang pangulo.
“Dalawa lang yan, lust for power at fear of retribution. Alin man doon ay mali. ‘Wag na nating dagdagan ang drama at pambobola,” dagdag pa ng independiyenteng solon sa Kamara. (BERNARD TAGUINOD)
200
