RAPIDO ni PATRICK TULFO
HINDI na natuto ang gobyerno natin sa krisis sa langis na muli na namang kinahaharap ng bansa natin. Hindi lang po ang kasalukuyang administrasyon ang aking tinutukoy kundi maging ang mga nagdaaan pang administrasyon.
Dahil dinanas na rin ang problemang ito, ilang dekada na ang nakararaan. Una ay noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., kung saan pinadapa ng tinaguriang “oil shock” ang ekonomiya ng iba’t ibang mga bansa kasama na ang ‘Pinas. Kaya itinatag ng ama ni PBBM ang OPSF o Oil Price Stabilization Fund upang maprotektahan ang ekonomiya sa pabago-bagong presyo ng langis sa merkado.
Tinanggal ni dating Pangulong Cory Aquino ang OPSF at ito nga ay pinalitan ng deregulasyon ng oil industry.
Ang sumunod ay nangyari noong panahon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at ang naging agarang solusyon ng administrasyon ni GMA ay tanggalin ang VAT at excise tax upang bumaba ang presyo ng petrolyo.
Matatandaang nagpunta si dating House Speaker Joe De Venecia sa Russia upang tingnan kung pwede ba tayong masuplayan ng langis. Dahil mas mura ‘di hamak ang kada bariles ng langis sa naturang bansa kumpara sa galing sa Middle East noon.
Ayon kay JDV, payag daw ang Russia na magbenta ng langis sa atin, ang problema lang ay wala silang pipeline malapit sa Asya at nangakong magtatayo raw sila sa Siberia na nasa taas lang ng Japan at Korea.
Hindi na natuloy ang usapan dahil bumaba na ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado matapos na magdagdag ng supply ang Saudi Arabia.
At ngayon, eto na naman tayo sa ganito na namang kalagayan kahit pa sabihin na magkakaiba ang mga nabanggit na sitwasyon. Ang Pilipinas ay isa sa mga bansa sa buong mundo na nag-iimporta ng pangangailangan nito sa langis.
Direktang tinatamaan ang ating ekonomiya sa pabago-bagong presyo ng krudo sa merkado. Nakasandal kasi tayo sa mga pribadong petroleum companies na siyang may kontrol ng petrolyo sa merkado. Ang setup na ito ang siya ring dahilan ng kakapusan natin sa langis kapag nagkakaproblema sa supply.
Dapat makialam ang gobyerno kung saan tayo kumukuha ng supply ng langis at siguraduhin na kahit na magkakagulo sa Middle East ay mayroon tayong ibang mapagkukunan.
91 