DPA ni BERNARD TAGUINOD
KUNG merong pinaka-kontrobersyal na Government Owned and Controlled Corporation (GOCC) ay parang wala nang tatalo sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) dahil hindi sila nase-zero sa kontrobersya.
Pero ang nakapagtataka, sa rami ng kontrobersyang kinasasangkutan ng PhilHealth ay wala pa tayong narinig na may naparusahan lalo na sa mga katiwalian sa pamamahala ng pondo, na kinakaltas buwan-buwan sa mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor ng lipunan.
Noong 2015, nabuko ang cataract scam na nagsimula noong 2014 kung saan magbayad ang PhilHealth ng P325 million sa eye centers na basta na lamang nag-oopera ng katarata ng mga pasyente kahit walang pahintulot.
Sumambulat naman ang ghost dialysis scam noong 2018 kung saan binayaran ng PhilHealth ang mga pasyente ng mga dialysis center kahit ang mga ito ay matagal nang patay kaya daan-daan milyon din ang nawala sa pondo ng mga miyembro ng PhilHealth.
Baka ‘di n’yo pa alam na 2018 din nang mawalan ng P154 billion daw ang PhilHealth dahil naningil ang mga hospital ng bayad sa mga pasyente nila nagkasakit ng pneumonia. Mantakin n’yo ha, 757,000 ang nagkaroon ng daw ng pneumonia na hindi natin alam.
Noong panahon ng COVID, nasangkot din ang PhilHealth sa eskandalo dahil maging ang mga clinic at maliliit na hospital na walang kakayahang gumamot ng COVID 19 patients ay binigyan nilang ng pondo.
May mga report din na binayaran ng PhilHealth ang mga hospital na nagdeklara ng Covid patients na kanilang ginamot kahit hindi ito totoo at tumataginting na P15 billion ang sangkot na halaga sa eskandalong ito.
Noong nakaraang taon, nasa gitna rin ng kontrobersya ang PhilHealth dahil hindi man lang nila ipinaglaban ang halos P90 billion na pondo na kinuha ng Malacañang para ipampuhunan sa Maharlika Investment Funds at pondohan ang mga proyekto ng mga politikong dikit kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dahil hindi nila ginastos sa mga miyembro.
Ngayon naman ay hindi sila kumibo at tila umaayon pa sila sa pagbokya sa government subsidy para sa indirect members ng PhilHealth o ‘yung mahihirap nating kababayan na nangangailangan ng tulong kapag sila ay nagkasakit.
Ilan lang ‘yan sa mga kontrobersyang kinasangkutan ng PhilHealth na ang bibilis magbayad sa medical facilities na kung magkano ang dahilan ay hindi natin alam pero kapag ang mga miyembro na ang nangangailangan ng tulong ay ang kupad nila at napakaliit na halaga lang ang itinutulong nila sa hospital bills ng mga manggagawa na bumubuhay sa korporasyong ito.
May kaanak ako na nagkaroon ng severe Covid-19 at alam niyo ba ang sinagot ng PhilHealth sa mahigit isang milyong piso na hospital bill nya, mahigit sampung libo lang eh eh tatlong dekada na siyang kinakaltasan ng kontribusyon.
At sa kabila ng mga scam na kinasasangkutan ng PhilHealth, hindi pa nakakamit ng mga miyembro ang hustisya dahil wala pa tayong narinig na mga opisyales ng korporasyong ito na naparusahan. Tindi ‘no?
