Kahapon ay nagkaroon ng pagdinig sa Kamara hinggil sa krisis sa tubig, na nagdulot ng water interruptions sa Kamaynilaan at karatig-probinsya nitong mga nakalipas na buwan. At isa sa mga hakbangin na lumabas sa pagdinig ay ang pag-apruba sa panukala ni House Speaker Gloria Arroyo na magtayo ng Department of Water, na lilikha ng “superbody” ng mga ahensyang may kinalaman sa tubig.
Ang tanong, ito ba ang lulutas sa krisis sa tubig?
Isinisi ng water concessionaires na Maynilad at Manila Water ang pagkawala ng tubig sa El Niño phenomenon na nagdudulot ng tagtuyot. Gayundin, itinuro nila ang kakulangan sa tubig sa pagkaudlot ng pagtatayo ng Kaliwa Dam. Ngunit, ang lahat ng ito ay pawang mga palusot lamang upang itaguyod ang kanilang interes na magkamal ng sobra-sobrang tubo.
Una, ang El Niño ay natural na proseso na matagal pa man mangyari ay dapat nang pinaghahandaan. Ibig sabihin, talagang pabaya at hindi mahusay ang pagpaplano ng water concessionaires kaya nangyari ang water shortage. Dapat silang managot sa bagay na ito.
Pangalawa, ang Kaliwa Dam ay proyekto upang tuluyang isapribado ang ating katubigan. Bukod sa utang ito sa China na lulubog sa atin sa utang, ang Kaliwa Dam ay hindi kailangan. Gatasan lamang ito ng mga malalaking negosyo na nais pagkakitaan ang water service.
Panghuli, ang Department of Water ay walang silbi sa harap ng pribatisasyon ng tubig. Ang pribatisasyon ay pagpapaubaya sa mga negosyante sa serbisyong napakahalaga sa taumbayan. Kaya, tayo ay nasa awa na ng mga korporasyong ito sa presyo at supply ng tubig.
Ang tunay na lulutas sa krisis ng tubig ay ang pagbalik nito sa kontrol ng gobyerno, dahil sila ay may pananagutan sa taong bayan. Hindi kita, kundi serbisyo ang pangunahin kung hawak ito ng pampublikong sektor. Serbisyo sa tao, huwag gawing negosyo! (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)
