CAVITE – Patay ang isang 16-anyos na dalagita makaraang pagsasaksakin ng kanyang bayaw na inutusan umano ng boses na patayin ang biktima sa bayan ng Maragondon sa lalawigang ito.
Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang biktimang si Jaymie Flores, 16, habang hawak na ng pulisya ang suspek na si Ricky Andallion, kapwa residente ng Brgy. Pantihan 4, Maragondon, Cavite.
Ayon sa ulat ni Pat. Rolando Periodico Jr., ng Maragondon Municipal Police Station, dakong alas-11:30 ng gabi noong Biyernes nang maalimpungatan mula sa pagkakatulog ang suspek dahil sa naririnig umanong beses na sinasabi ang mga katagang “Ubusin mo ang lahi mo, ubusin mo na lahat. Patayin mo siya”.
Pagkaraan ay wala umano sa sariling kinuha ng suspek ang balisong at pinagsasaksak ang natutulog na hipag.
Isinugod ang biktima ng mga kaanak sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Ayon kay Pat. Periodico, batid ng mga kaanak hinggil sa umano’y naririnig na boses ng suspek ngunit binalewala ito ng mga magulang ng biktima.
Isasailalim ang suspek sa pagsusuri upang matiyak kung ito ay may sakit sa pag-iisip. (SIGFRED ADSUARA)
68