HINIKAYAT ni Senador Nancy Binay sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF) na alisin ang deployment ban sa healthcare workers.
Sa pahayag, sinabi ni Binay na walang karapatan ang pamahalaan na pigilan ang healthcare workers na magtrabaho sa abroad upang maibigay ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
“For healthcare workers, the struggle to survive is real in the midst of risks and trying to feed a family. Sana maunawaan din ng POEA at ng IATF ang kalagayan ng ating mga nurse na ‘di lang naman sila full-time sa ospital. Sa totoo lang, mas mabigat ang pressure kung paano maitatawid ang kanilang mga pamilya sa gitna ng pandemya. Yung travel ban hostages their chance to have a decent work-life balance and give their families a better future,” giit ng senador.
Sinabi ni Binay na kung ipagpapatuloy ng POEA ang deployment ban, dapat tiyakin ng pamahalaan na makatatanggap ng competitive compensation ang mga healthcare worker sa bansa.
“Hindi naman gugustuhin ng ating mga healthcare workers na magtrabaho sa ibang bansa kung sapat ang kanilang kinikita dito sa atin. May pandemya po at sino ba naman ang gustong mawalay sa kanilang mahal sa buhay sa panahon ngayon?” ayon kay Binay.
“They have long been neglected. Kung itutuloy nila ang deployment ban, at the very least the government should provide our healthcare workers with compensation sufficient enough to provide for their families,” giit ng mambabatas.
Ibinasura rin ng senador ang pangamba na mauubusan ng healthcare workers ang Piliipinas kapag pinayagan silang umalis at magtrabaho sa abroad.
Tinukoy ni Binay ang 2017 datos ng Department of Health na mayroon tayong
750,000 licensed medical professionals sa bansa kabilang ang dentist, medical technologists, pharmacists, physicians, at midwives. (ESTONG REYES)
