IMINUNGKAHI ni Senador Win Gatchalian ang pagkakaroon ng centralized database system para sa lahat ng mga nabakunahan upang mapaigting ang pag-monitor sa mga ito pati na rin ang mga hindi pa nakatatanggap ng bakuna at maiwasan ang mga magtatangkang makakuha ng booster shot sa panahong marami pa ang hindi nababakunahan.
Suhestiyon ni Gatchalian, dapat isama sa listahan ang mga nakatanggap ng bakuna mula sa pribadong sektor o mga bakunang binili at ibinigay ng mga pribadong kumpanya sa kanilang mga empleyado.
“Dapat matagal na itong centralized database dahil dito natin makikita kung merong nag-doble sa pagpapabakuna. Hindi natin maiiwasan minsan na merong ilan na hindi lang isa ang address. Nakakalungkot na merong nananamantala ng sitwasyon. ‘Yung iba, nagpabakuna na sa isang LGU tapos nagpabooster shot pa sa ibang LGU. Kung may centralized database tayo, mabilis at maiiwasan ang ganitong pananamantala lalo na’t marami pa ang hindi nababakunahan,” paliwanag ng senador.
Sa ilalim ng tripartite agreement ng pribadong sektor sa gobyerno, sinabi ni Gatchalian na obligado ang mga pribadong kumpanyang nakabili na ng kanilang suplay ng bakuna na magsumite ng listahan ng mga taong nabakunahan na para sa mas maayos na sistema ng pagmomonitor.
Aniya, dapat isama ito sa binabalangkas ng Department of Information and Technology (DICT) na digital o unified vaccine certificates para sa mga taong fully-vaccinated na.
“Gawin nang uniform ng DILG at DOH ang mga vaccination cards para nakahanda na tayo kapag naging global standard na ang vaccination card,” ayon kay Gatchalian.
“Sana meron na tayong single uniform vaccination card na gagamitin ng mga LGUs. Hindi talaga ire-recognize ng mga advanced countries ang individual vaccination cards ng iba’t-ibang LGUs,” dagdag pa ng senador.
Ang VaxCertPH na hinahanda na ng DICT sa pakikipagtulungan sa Department of Health (DOH) ay ipamimigay sa mga taong nakakumpleto na ng bakuna sa bansa at ito ay batay sa pamantayan at technical specifications ng World Health Organization (WHO).
Sa kasalukuyan, tanging ang mga local government units (LGUs) pa lang ang inatasan ng DICT na magsumite ng listahan ng mga nasasakupan nilang nakakumpleto na ng bakuna na pagbabatayan ng ibibigay na digital vaccine certificates. (ESTONG REYES)
