HINILING ni Senador Imee Marcos sa gobyerno at local government units na buksan ang lahat ng pampublikong lugar tulad ng plaza, parke at paikliin ang curfew hour saka pahabain ang business hours sa kabila ng pandemya ng COVID-19.
Sa pahayag, sinabi ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, hindi solusyon ang patuloy na lockdown upang kontrolin ang pagkalat ng virus at lalo lang ginawang “salat sa pera, salat sa espasyo at salat sa oras” ang mga Filipino.
Ipinaliwanag pa ni Marcos na sanhi ng lockdown, nagsisiksikan sa bahay ang pamilya lalo na sa lungsod na may mataas na populasyon at hirap silang kumilos upang makahanap ng trabaho.
“Sa mga masisikip na barong-barong sa Metro Manila, pati mga nagsisiksikang migrante sa mga barangay sa Cebu, napaka-imposible naman yung physical distancing,” ani Marcos.
Bilang dating gobernador ng Ilocos Norte, naniniwala si Marcos na “huling opsiyon na lang dapat ang lockdown bilang solusyon sa mga talagang infected, at target na mga sitio o barangay na talagang hindi sinusunod ang mga protocol.”
Sinabi ni Marcos na kung muling bubuksan ang mga pampublikong espasyo at isara sa sasakyan ang mga iskinita pagkatapos ng oras ng trabaho ay mas makakakilos ang mga tao sa kanilang mga gawain at mapo-promote pa ang physical at mental health, basta’t naipatutupad pa rin ang pagsusuot ng face masks at social distancing.
“Bakit di natin buksan ang mga kalye sa mga tao sa halip na mga sasakyan pagkatapos ng oras ng trabaho?” panukala ni Marcos.
“Payagan na natin ang mahihirap na mga nagsisiksikang pamilya na okupahin ang mga maluluwag na espasyo para makahinga, makapaglaro, makapagluto, makapaglaba at makapagpaaraw. Sa wakas, marahil panahon na para ibalik ang mga parke, mga stadium, mga auditorium at mga iskinita sa publiko!” ani Marcos.
Ang pagpapaikli sa mga curfew at pagpapahaba ng mga business hour ay magpapaluwag din sa mga siksikan sa mga opisina, mga palengke at grocery gayundin sa limitadong pampublikong mga sasakyan, dagdag pa ni Marcos. (ESTONG REYES)
162
