RAPIDO ni PATRICK TULFO
BUNSOD ng kaliwa’t kanang batikos kay Pangulong Bongbong Marcos, maraming mga proyekto ng gobyerno ang natatabunan at hindi naipapaalam sa mamamayan.
Katulad na lang nitong P7,000 na medical allowance kada taon ng bawat lehitimong empleyado ng gobyerno.
Sa SONA ni Pangulong Marcos noong 2024, sinabi nito na maglalaan ng pondo ang gobyerno na umaabot ng P9.5 bilyon, para sa health benefits ng mga empleyado.
Layunin ng nasabing pondo, na idaraan sa pamamagitan ng Miscellaneous Personnel Benefit Fund (MPBF) bilang HMO (Health Maintenance Organization) o insurance ng bawat empleyado, na mabawasan ang gastusin ng mga empleyado sakaling mangailangan sila ng pondo dahil sa pagkakasakit.
Sa pamamagitan ng HMO na ito, magiging magaan na sa bulsa ng mga empleyado ang gastusin sa pagpapaospital o kahit na maging outpatient.
Ang ganitong mga benepisyo ng mga empleyado ay hindi nalalaman ng ibang empleyado kaya’t takot na magpagamot ang mga ito, dahil sa pangamba ng malaking gagastusin.
Marami pang ibang mga proyekto ang gobyerno na hindi nailalathala dahil mas gusto ng karamihan na sumawsaw sa issue ng pulitika kaysa magtuon ng pansin sa kani-kanilang trabaho at sariling buhay.
