UMAMIN na ang suspek na si Darwin De Jesus sa pagpaslang nito sa lady engineer na si Princess Dianne Dayor na natagpuang naaagnas sa isang madamong lote noong Hulyo 5.
Ayon sa report ni P/Lt. Col. Ferdinand Germino, hepe ng Malolos City Police, kay Bulacan PNP acting director Col. Charlie Cabradilla, noong Sabado ng hapon ay napilitang aminin ng suspek ang krimen.
Inamin ng suspek ang krimen sa tumatayong mga abogado nito na sina Atty. Eunice Zulueta, Atty. Mary Jane Sabangan at Atty. Ted Saludo.
Ang pagtayo ng mga abogado sa panig ni De Jesus ay upang ilahad at patunayan na hindi ‘fallguy’ ang naarestong suspek.
Ayon sa suspek, bunsod ng surot ng konsensya ay napilitan siyang aminin ang krimen. Sa puntong ito, inisa-isa ng suspek ang mga detalye ng insidente.
Aniya, galing siya sa inuman at plano nitong mangholdap sa sino manng dadaan sa lugar na ‘yun at si Princess Dianne ang kanyang natiyempuhan.
Aniya, kinalawit niya sa leeg ang biktima at dahil sa tangkang pagsigaw ay napadiin ang pagsakal na naging dahilan ng pagkamatay nito. (ELOISA SILVERIO)
