‘HORROR ROLL’ SA KAMARA, IBINUNYAG NI LACSON

PINUNA ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson ang malalaking alokasyon para sa imprastraktura sa ilang congressional districts sa ilalim ng inaprubahang proposed 2021 national budget ng Kamara.

“Sa House ito, noong natapos na ang GAB, na-transmit sa atin,” saad ni Lacson.

Kabilang sa tinaguriang ‘horror roll’ ni Lacson ang isang distrito sa Davao na may alokasyon na P15.351 bilyon; isang distrito sa Albay na may P7.5 bilyon; isang distrito sa Benguet na may P7.9 bilyon; isang distrito sa Abra na may P3.75 bilyon.

“‘Yun ang honor roll, Mr. President… Horror roll,” diin pa ni Lacson.

“Bakit ganoon ang disparity? What’s in those districts that would merit… not to mention absorptive capacity? Kung sa isang engineering district yan babagsak, I cannot see how that particular engineering district would implement P15.351 billion of infrastructure projects,” dagdag pa ng senador.

 

Skeleton infra projects

Iprinisinta rin ni Lacson ang larawan ng ilang local infrastructure projects na bagama’t nakatanggap na ng pondo ay halos hindi pa rin nagagawa at nasa ilalim uli ng pondo ng Department of Public Works and Highways para sa susunod na taon.

Sinabi ni Lacson na may 5,913 rehashed projects na nagkakahalaga ng P135 bilyon.

Kabilang sa mga inilabas ni Lacson ang unfinished multi-purpose buildings sa mga lalawigan ng La Union, Pangasinan at Isabela.

Ilan sa mga proyekto na napondohan na ng milyun-milyon sa mga nakalipas na taon ay mayroon lamang mga poste at halos skeleton pa lang.

“Are we going to allow that this will be funded in the 2021 budget?” saad ni Lacson kasabay ng pagpapakita ng larawang kinuha ng kanyang team sa ocular inspections noong Oktubre.

“Nakita naman natin na skeleton ‘yung after spending or appropriating a few million pesos, ganoon ang itsura. Eh para na tayong nagpapaloko,” diin pa nito.

Iginiit ng senador na i-delete ang P68 bilyong alokasyon para sa skeleton multi-purpose buildings sa 2021 budget. (DANG SAMSON-GARCIA)

157

Related posts

Leave a Comment