INAMIN ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na bumaba ang tiwala ng taumbayan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso kasunod ng mga anomalya sa flood control projects, dahilan para ilang empleyado ng Kamara ay magpalit o hindi magsuot ng uniporme sa takot na pagdiskitahan ng publiko.
Sa kanyang unang talumpati bilang Speaker sa flag ceremony kahapon sa Batasan Pambansa, umapela si Dy sa mga opisyal at empleyado ng Kamara na magtulungan para maibalik ang tiwala ng mamamayan.
“May nabalitaan nga po ako na may mga kasamahan tayong kailangang magpalit o mag-alis ng uniporme bago pumasok dahil sa takot na mapag-initan habang nagko-commute papunta dito sa Kongreso,” pahayag ni Dy.
Aminado si Dy na masakit tanggapin na naapektuhan ang imahe ng Kamara dahil sa mga mambabatas na nasasangkot sa katiwalian.
“Masakit mang tanggapin, talagang bumaba ang tiwala ng taumbayan sa ating institusyon,” aniya, patungkol sa mga alegasyon ng korupsyon sa flood control projects na iniimbestigahan ngayon ng Independent Commission on Infrastructure (ICI).
Bagama’t hindi siya nagbanggit ng pangalan, nadadawit sa nasabing anomalya sina dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Dy, dapat gawing inspirasyon ang krisis na ito upang patunayan na kaya pang maibalik ang tiwala ng publiko sa Kamara sa pamamagitan ng tapat na serbisyo.
(BERNARD TAGUINOD)
