UPANG makamit ang herd immunity at mapataas ang bilang ng bakunadong mga residente sa rehiyon ng Calabarzon, nagbahay-bahay na ang mga lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Laguna at Rizal upang magbigay-kaalaman at tamang impormasyon hinggil sa bakuna.
Ayon sa ulat mula ng Department of Health Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), ang dalawang probinsya ang may pinakamaraming residente na nag-aalinlangan sa pagpapabakuna.
Ayon kay DOH 4-A Regional Director Eduardo Janairo, “Napakahalaga ng tamang impormasyon at tamang komunikasyon upang malabanan ang vaccine hesitancy at misinformation na natatanggap ng eligible recipients. Kailangang gawin ang localized information campaign upang mas maging focus ang pagbibigay at pagpapaliwanag sa kahalagahan ng bakuna laban sa COVID-19”.
“Ang bakuna ay nakakapagligtas ng buhay. The delay in the acceptance or refusal to accept the vaccine despite its availability is a threat not only to the individual but to the family and community as well,” dagdag pa niya.
Sinabi ng namumuno sa pagbabahay-bahay na si Ms. Jeannette C. Atienza, head ng Regional Health Education and Promotion Unit (HEPU), ito ay para makatulong sa pagdedesisyon ng ilan na magpabakuna na sa kabila ng kanilang paniniwala sa relihiyong kinabibilangan.
Ang iba naman ay natatakot umano sa turok ng karayom habang ang iba ay hindi nabigyan ng malinaw o tamang impormasyon.
“Makakatulong din dito ang mga nabakunahan na upang makapagbigay ng personal at aktuwal na karanasan at makapagpapatunay sa kaligtasan at kahalagahan ng bakuna laban sa COVID-19. The information they provide helps lessen misinformation and prevents its negative consequences,” aniya pa.
Kabilang sa nakikipagtulungan sa pagbibigay ng tamang kaalaman sa mga residente sa komunidad ang health personnel na nasa lalawigan, munisipalidad, barangay health workers, barangay officials at mga guro.
Sa huling datos ng DOH 4-A noong Nobyembre 9, mayroon nang 10,100,763 ang nabakunahan sa buong rehiyon. (CYRILL QUILO)
158
