HINDI na maaaring i-harass at takutin ang mga hukom sa bansa matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang pagtatatag ng Office of Judiciary Marshals (OJM).
Bukod dito, sinabi ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte na magkakaroon na ng episyente at epektibong paghahatid ng hustisya sa bansa dahil wala nang katatakutan ang mga hukom.
“When our judges and justices feel safe, secure and protected, they can render their rulings on cases more efficiently, without feeling threatened or harassed,” ayon sa mambabatas na isa sa pangunahing may akda sa nasabing batas.
Base sa Republic Act (RA) No. 11691 o Judiciary Marshals Act na pinirmahan ni Duterte noong nakaraang buwan, magkakaroon na ng sariling security forces ang Hudikatura na poprotekta sa mga Hukom.
Ibinase ang batas sa United States Marshals Service kung saan lahat ng opisyal at personnel ng OJM ay aarmasan at magsisilbing security ng justices, judges at iba pang court officials.
Pamumunuan ng Chief Marshal na itatalaga ng Korte Suprema ang OJM, sasanayin din ang mga ito sa pag-iimbestiga, forensic analysis sa krimen at banta sa mga miyembro ng Hudikatura.
Ginawa ang nasabing batas bunsod ng magkakasunod na pagpatay sa mga hukom sa mga nakaraan taon.
Sa report ng Philippine Judges Association (PJA), 31 hukom ang pinatay mula 1999 ngunit 10% lamang sa mga kasong ito ang naresolba. (BERNARD TAGUINOD)
172
