CAVITE – Halos kalahating milyong pisong halaga ng umano’y shabu, marijuana, at baril ang nasamsam sa nadakip na dalawang hinihinalang tulak na kapwa nasa listahan ng high value individuals (HVI) ng pulisya, sa isinagawang buy-bust operation sa Imus City nitong Biyernes ng madaling araw.
Hawak na ng Imus Component City Police Station ang mga suspek na sina alyas “Cris” at “Joel” na kapwa nasa listahan ng HVIs ng pulisya.
Ayon sa ulat, bandang alas-2:30 ng madaling araw nang magkasa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Provincial Drug Enforcement Unit Cavite Provincial Police Office (PDEU CAV PPO) at Imus CPS sa Brgy. Palico 2, Imus City na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang tulak.
Nakumpiska sa mga suspek ang tinatayang 50 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P340,000.00, tinatayang 10 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana (kush) na may standard drug price na P15,000.00, buy-bust money, isang kalibre 9mm pistol Taurus at dalawang pirasong bala.
(SIGFRED ADSUARA)
80
