HUMAN TRAFFICKING SA NAIA BUBUSISIIN

MAKARAANG sumambulat ang balita hinggil sa umano’y talamak na human trafficking sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), umarangkada ang joint investigation na pinangungunahan ng Manila International Airport Authority (MIAA) at ng Bureau of Immigration (BI).

Kasabay nito, ipinag-utos ni Commissioner Norman Tansingco sa kanyang mga tauhan sa paliparan, na makipag-ugnayan sa MIAA sa hangaring panagutin ang sangkot na mga empleyado ng naturang ahensya ng gobyerno.

Nobyembre 16 nang unang sumingaw ang balita hinggil sa pagpasok ng mga dayuhan sa bansa, sa kabila ng kawalan ng kaukulang mga dokumento – at makailang ulit pang nasundan sa sumunod na mga araw.

Sa isang kuha ng CCTV, lumalabas na nagdaan sa employees’ entrance ang mga babaeng banyagang gumamit ng palsipikadong boarding pass at immigration stamp.

Nito lamang nakaraang linggo, nasabat naman ng Aviation Security personnel ang tatlong babaeng nagpanggap na mga empleyado ng concessionaires na nakabase sa paliparan.

Sa imbestigasyon, lumalabas na ang tatlong pinakahuling pumasok sa Pilipinas ay pawang nagtatrabaho bilang household contract workers mula sa bansang Myanmar.

Hinala ng joint investigation team, may mga kasabwat na taga Bureau of Immigration sa nasabing katiwalian. (FROILAN MORALLOS)

202

Related posts

Leave a Comment