LALONG idiniin ng dating manggagawa ng ABS-CBN ang pagiging maramot umano ng kumpanya at kawalan ng malasakit sa kanilang manggagawa.
Ito ang nabatid sa zoom conversation ng mga mambabatas kasama ang dating empleyado ng ABS- CBN na si Journalie Payonan na kasama sa mga tinanggal sa trabaho matapos ilaban ang kanilang regularisasyon.
Ayon kay Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, base sa dokumento na nakuha hinggil sa mga gastusin ng network, tumataginting na P329 milyon ang sahod at bonus umano ng top-5 executives ng ABS-CBN noong 2017.
“Ang bonus nila, P165 million, ang suweldo nila P164 million. Ang total compensation nila ay P329 million,” pahayag ni Defensor.
Hindi na binanggit ng mambabatas kung sino-sino ang top-5 executives ng ABS-CBN subalit nagtataka ito kung bakit habang lumalangoy ng milyones ang kanilang matataas na opisyales ay hindi nila inaalagaan ang kanilang mga empleyado.
Si Payonan ay isa sa mahigit 100 empleyado ng ABS-CBN na hindi regular kaya naghain ang mga ito ng reklamo sa National Labor Relation Commission (NLRC) kung saan nanalo ang mga ito hanggang sa Court of Appeals (CA).
Gayunpaman, hindi binayaran ng ABS-CBN ang mga empleyado at sa halip ay inakyat nila ang kaso sa Korte Suprema na nakabinbin pa hanggang sa kasalukuyan.
Nagtataka rin si Defensor dahil noong 2010 nang tanggalin ang grupo ni Payonan ay kumita umano ang ABS-CBN P3.4 million (net income).
“Sayang naman, ang liit-liit ng hinihingi ng mga tao nung panahong yun (2010). Mas malaki yata ang ibinayad sa abogado,” ani Defensor dahil noong panahon ng pagdinig sa prangkisa ng ABS-CBN ay “puro outsources ang mga lawyer”.
Sinabi ng ABS-CBN na umaabot sa 11,071 ang kanilang empleyado subalit lumabas sa pagdinig na 2,661 lamang ang kanilang regular employees habang karamihan tulad ng cameramen, audiomen at iba pa na mahalaga sa operasyon ng network ay mga talent lamang na walang benepisyo. (BERNARD TAGUINOD)
235
